Nakaw

MPD dinampot promodizer dahil sa ninenok na motorcycle

Jon-jon Reyes Nov 6, 2026
65 Views

Nakaw1Nakaw2NATIMBOG ng mga operatiba ng MPD District Anti Carnapping Unit ang 37-anyos na lalaki sa kasong paglabag sa anti-fencing law of 1979 sa parking area ng Metro Plaza Mall, North Caloocan noong Miyerkules.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Fencing Law of 1979) kaugnay ng Section 6 ng RA 10175 (Anti-Cyber Crime Prevention Act of 2012) ang suspek na si alyas Renzi, binata, promodizer at residente ng Carnation St., Villa Annapolis, Brgy. Dulong Bayan, San Jose Del Monte, Bulacan.

Sa report ni Police Major Philip Ines, hepe ng District Anti-Carnapping Unit at Chief ng MPD-PIO, bandang ala-1:05 ng hapon ng dinakma ang suspek.

Dumulog sa tanggapang ang biktimang si alyas Erwin, 21, binata, walang trabaho, at residente ng 431 Baseco Habitat, Port Area, Manila upang iulat ang kaso noong Oktubre 21.

Ayon sa nagrereklamo, ipinarada niya ang motorsiklo sa tapat ng Block 3, Habitat St., Baseco compound, Brgy. 649, Port Area, Maynila, noong Oktubre 21 bago siya nagpahinga.

Iniulat niya ang insidente sa Baseco Police Station, sa Ilalim ni Police Lieutenant Colonel Rommel Anicete, na humantong sa pagkakaaresto sa isang CICL (Child in Conflict with the Law) na kinilalang si JC noong Oktubre 24.

Noong Nob. 4, nagtungo ang nagrereklamo sa tanggapan ng MPD DACU at iniulat na natuklasan niyang ibinebenta sa Facebook Marketplace, sa grupong Talon Casa, ang kanyang ninakaw na motorsiklo.

Inatasan ni Ines sina PCMS Clyde Lopez Villareal, PCMS Fred Sabado Martinez, PSMS Alexander Ardemil Fallar, PMSg Randy Sahagun Santiago, PSSg Antonio Fajardo Arceo Jr, PCpl Melvin Frianela Afable at PCpl Ronnie Senerado Curbano para magtungo sa nabanggit na lugar.

Ang nagbebenta ay kinilalang si alyas Renzi at humihingi ng P25,000 para sa motor.

Sa karagdagang imbestigasyon, nalaman na nakipag-ugnayan ang nagrereklamo sa suspek at napagkasunduan nilang magkita sa SM Tungko sa San Jose del Monte City, Bulacan.

Inatasan ang mga operatiba na makipag-ugnayan at pumunta sa napagkasunduang lugar upang magsagawa ng beripikasyon at follow-up operation.

Pagdating sa napagkasunduang lugar, ipinaalam ng nagrereklamo sa mga operatiba na binago ng suspek ang tagpuan sa Metro Plaza Parking Area, Malaria, North Caloocan City.

Nagtungo ang mga operatiba sa nasabing lugar at nagsagawa ng surveillance.

Habang nasa parking area ng mall ang suspek, nilapitan siya ng nagrereklamo at kinausap tungkol sa transaksyon ng motorsiklo.

Matapos personal na beripikahin at tiyaking ang motorsiklo ay ang kanya ngang ninakaw na sasakyan, ibinigay ng nagrereklamo ang napagkasunduang hudyat para hulihin ang suspek.

Kasunod nito, isinagawa ang cross-matching ng plate number, engine number, at chassis number ng motorsiklo.

Positibo ang resulta at nagpapatunay na ito nga ang motorsiklong naiulat na ninakaw.

Dahil ang simpleng paghawak ng ninakaw na gamit ay itinuturing na pangunahing ebidensya ng krimen na fencing, isinagawa ang pag-aresto sa suspek.