QCPD

‘Di nag-illegal parking patrol car–QCPD

35 Views

WALANG nangyaring illegal parking ng pansamantalang huminto ang dalawang police mobile patrol sa Maginhawa St., Sikatuna Village, Quezon City noong Nob. 7, ayon sa Quezon City Police District (QCPD).

Naglinaw ang QCPD kasunod ng kumalat na social media post na nagsasabing ilegal na nagparada ang isang police patrol vehicle sa naturang lugar.

Nagpapatrulya ang isang police mobile sa lugar dakong alas-12:49 ng tanghali nang parahin ito ng security guard ng establisimyento upang humingi ng saklolo.

Napadaan naman sa lugar ang isa pang police mobile at nang makita ang ginagawang pagresponde ng mga kabaro ay huminto rin upang tumulong.

Dakong ala-1:00 ng hapon, matapos ang isinagawang police assistance, umalis ang dalawang mobile sa lugar.

Binigyang-diin ng QCPD na bahagi lamang ng kanilang opisyal na tungkulin ang pansamantalang paghinto ng mga sasakyan at hindi ito ginawa para sa personal na kapakanan.

Tiniyak din ng QCPD na paiiralin ang disiplina at pananagutan sa hanay ng mga pulis, kabilang ang pagsunod sa mga batas at regulasyon sa trapiko.

Hinimok ng QCPD ang publiko na tiyaking tama at beripikado ang impormasyon bago mag-post sa social media.