Batangas

3 holdap suspek sa Batangas, tinugis, nasakote sa Taguig

26 Views

Batangas1

TALISAY, BATANGAS — Timbog ang tatlong kalalakihan na sangkot sa nakawan matapos ang mabilisang pagtugis ng mga awtoridad na umabot pa mula Batangas hanggang Taguig City nitong Sabado.

Ayon kay Batangas police director PCol. Oliver Ebora, ang mga suspek ay kinilalang sina alyas JR, 23; Jos, 22; at Kawa, 25.

Sa ulat ng Talisay police, bandang alas-12:40 ng hatinggabi pumasok ang anim na armadong lalaki sa isang convenience store sa Brgy. Quiling, Talisay at tinutukan ng baril ang mga empleyado bago tinangay ang P4,000 na kita ng tindahan, P2,000 na pera ng mga empleyado at dalawang cellphone.

Kumilos ang mga pulis sa pamumuno ni PMaj. Ernesto Chavez matapos matanggap ang report.

Sa pakikipagtulungan sa Santo Tomas City Police at RMFB4A, unang narekober ang isang puting Honda PCX na ginamit sa pagtakas at ilang ID.

Kinalaunan, naaresto ang tatlong suspek bandang alas-10:00 ng umaga sa Brgy. Bambang, Taguig City at nakumpiska ang isang kalibre .45 .

Dinala ang mga naaresto at nakumpiskang baril sa Talisay police station para sa dokumentasyon at legal na proseso.