Isko

Maagang pamaskong handog sa mga kawani ng Maynila sa Nov. 13

Edd Reyes Nov 9, 2026
3 Views

MATATANGGAP na ng sabay-sabay ng mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang kanilang sahod, year-end bonus, at P5,000 cash gift bilang maagang pamaskong handog sa Biyernes, Nobyembre 13.

Inihayag ito ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa ginanap na regular na pagpupugay sa watawat Lunes ng umaga sa Manila City Hall na labis na ikinagalak ng mga dumalong kawani.

Naglaan ang pamahalaang lungsod ng kabuuang ₱817,312,760 sa year-end bonus at cash gift sa kanilang mga kawani para sa taong 2026 na kumakatawan sa ₱762,462,760 bilang bonus at ₱54,850,000 sa cash gift.

Ayon sa alkalde, maaga niyang iniutos ang pagkakaloob ng sahod, yearly bonus, at cash gift bunga ng tatlong araw na special holiday na nakatakda sa Nobyembre 16 hanggang 18 na idineklara ng Malacanang bilang paghahanda sa ASEAN Summit.

Tiniyak din ni Mayor Domagoso na maging ang mga Contract of Service at Job Order employee ng Manila City Hall ay makakatanggap din ng maagang pamasko bilang pagtupad sa kanyang pangako na kabilang sila sa mabibiyayaan kahit pa kapos sa pananalapi ang lungsod.

Tutuparin din aniya niya ang binitiwang pangako noon pang unang pag-upo niya bilang alkalde ng Maynila ang pamamahagi ng Christmas food packs sa 700,000 pamilya sa Maynila upang matiyak na may pagsasaluhan sila sa Noche Buena, pati na rin ang holiday package para naman sa mga lolo at lola.

Pinayuhan naman ng alkalde ang mga kawani na huwag ubusin ang biyayang matatanggap at tiyaking may maisusubi para pagsapit ng Pasko.