Calendar
Kinilala ni Police Capt.Ferdinand Cayabyab, hepe ng MPD Blumentritt PCP Station 3, ang suspek na natimbog sa acts of lasciviousness sa Sta. Cruz, Manila. JONJON C. REYES
Kelot himas rehas sa paghalik, pagpatong sa tulog na bebot
“NARAMDAMAN ko ang paghalik niya sa aking labi, pisngi at leeg kaya nagising ako.”
Ito ang sinabi ng 32-anyos na babae sa kanyang salaysay matapos umano siya halayin sa loob ng kanyang bahay ng 30-anyos na lalaking suspek sa Sta Cruz, Manila, Lunes ng madaling araw.
Ang suspek na nakilalang si alyas “Jef,” 30,residente ng San Simon, Pampanga, ay nahaharap sa kasong acts of lasciviousness.
Ayon sa report ng pulisya, bandang 4:05 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa loob ng bahay ng biktima na nakilalang si alyas “Jessa,” 32, residente ng Sta. Cruz, Maynila.
Base sa salaysay ng biktima, matapos silang mag-inuman kasama ang kanyang mga kaibigan sa labas ng kanyang bahay, pumasok siya sa loob ng bahay para matulog na.
Nagising ang biktima sa mga halik umano ng suspek sa kanyang labi at pisngi patungo sa kanyang leeg.
Itinulak ng biktima ang suspek at pinagsabihan itong umalis.
Agad lumabas ng bahay ng biktima ang suspek.
Samantala, nagtungo ang biktima sa Blumentritt Police Community Precinct (PCP) upang iulat ang insidente bandang 4:30 ng madaling araw.
Ang suspek ay agad nasakote ng mga tauhan ni Police Capt. Ferdinand Cayabyab, PCP Commander ng Blumentritt-MPD.
Dinala ang suspek sa Women and Children’s Protection Desk (WCPD) para sa nararapat na imbestigasyon at pagproseso ng kaso. Dinala rin siya sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center para sa pagsusuring mediko-legal.
Inihahanda na ng WCPD ang kaso laban sa suspek at isusumite para sa inquest proceeding sa harap ng nakatalagang piskal.
