Teller Nanumpa sa harap ng inquest prosecutors ang tauhan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at operatiba ng National Bureau of Investigation Fraud and Financial Crimes Division (NBI-FFCD) nang isampa ang kaso laban sa teller sa Regional Trial Court ng Caloocan City Judicial Complex. PCSO

Teller kinasuhan matapos lotto outlet gamitin sa lotteng

Edd Reyes Nov 9, 2026
12 Views

PORMAL ng kinasuhan ng Caloocan City Prosecutors sa Regional Trial Court (RTC) ang teller na ginagamit ang lotto outlet ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) bilang front ng ilegal na bookies ng lotteng.

Kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1602 na inamiyemdahan ng Section 3(b) ng R.A. No. 9287 na nagpaparusa sa ilegal na lotteng o numbers game ang isinampa laban sa teller na nadakip noong Nobyembre 4, 2026 sa entrapment operation ng pinagsanib na puwersa ng PCSO at National Bureau of Investigation (NBI).

Nakasaad sa isinampang kaso ang pagkolekta ng taya ng teller, gamit ang pekeng tiket ng accredited na lotto na hindi ipinapasok ang salapi sa opisyal na lotto terminal ng PCSO at tumatanggap ng pusta sa pamamagitan ng GCash at iba pang digital point-of-sale.

Sinabi ni PCSO General Manager Melquades Robles na ang pagsasampa ng kaso sa korte laban sa teller ang magsisilbing mensahe ng ahensiya na hindi nila pinahihintulutan ang mga accredited partners na gumawa ng ilegal na hakbang o makipag-kutsabahan sa sindikatong kriminal.

“This formal court indictment proves that we are serious in cleaning up our ranks and taking rogue agents down. Using a government-issued lotto franchise as a front for underground gambling is not only a blatant violation of the law—it is an outright betrayal of the public trust,” pahayag ni GM Robles.

Muling nagbanta ang PCSO sa mga may prangkisa ng lotto sa buong bansa na mahaharap sila sa kaukulang kaso at awtomatikong pagbawi sa kanilang lisendiya sa oras na mapatunayang ginagamit sa ilegal na sugal ang kanilang lotto outlet.