Garcia

Pondo para sa 4K multipurpose buildings ipinagtanggol

Mar Rodriguez Nov 9, 2026
16 Views

IPINAGTANGGOL ng mga lider ng Kamara de Representantes ang panukalang paglalaan ng pondo para sa pagtatayo ng 4,000 multipurpose buildings sa ilalim ng 2027 national budget.

Ayon kay Bataan Rep. Albert Garcia, miyembro ng National Unity Party (NUP), katumbas lamang ng halos 10 porsiyento ng kabuuang barangay sa Pilipinas ang 4,000 multipurpose buildings na nakapaloob sa panukalang badyet.

Binigyang-diin naman ni FPJ Panday Bayanihan Partylist Rep. Brian Poe na mahalaga ang mga multipurpose building dahil nagsisilbi itong evacuation center, covered court, lugar para sa mga pagpupulong ng barangay at venue para sa iba’t-ibang aktibidad ng komunidad.

Maaari rin itong gamitin bilang pasilidad sa pagpapatuyo ng palay na makatutulong sa mga lokal na magsasaka.

Suportado ni Poe ang pangangailangan sa mga naturang pasilidad, partikular sa mga malalayong sitio na walang sapat na pampublikong gusali.

Ayon kay Poe, may mga komunidad na paaralan lamang ang mayroon kaya napipilitan ang mga residente na gamitin ang isang gusali para sa iba’t-ibang aktibidad at pangangailangan.

Sinabi naman ni Camarines Sur Rep. Arnie Fuentebella ng Nationalist People’s Coalition na hindi pa rin sapat ang 4,000 multipurpose buildings upang matugunan ang pangangailangan ng mga barangay sa buong bansa.

Nagmumula mismo sa mga lokal na opisyal at komunidad ang mga kahilingan para sa pagtatayo ng naturang mga pasilidad, lalo na sa mga lugar na walang sapat na kakayahang pinansyal upang makapagtayo ng sariling gusali.

Ang pahayag ng mga mambabatas ay kasunod ng mga katanungan hinggil sa naiulat na P43-bilyong pagtaas sa pondong inilaan para sa multipurpose buildings sa ilalim ng panukalang 2027 national budget na inaprubahan ng Kamara.

Sumasailalim sa pagsusuri ng Senado ang panukalang 2027 national budget bago ito dumaan sa bicameral conference committee para sa pinal na pag-aayos ng mga probisyon nito.