Calendar
PRO 4A SACLEO 170 suspek sa krimen tiklo


KAMPO VICENTE LIM, Calamba City, Laguna – Umabot sa 170 wanted persons, kabilang ang 73 Most Wanted, ang naaresto sa Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) ng Police Regional Office (PRO) 4A, ayon kay Regional Director PBGen Dominic Baccay.
Mula noong ika-7 ng Nobyembre, sinuyod ng PRO 4A ang iba’t-ibang kuta ng mga wanted persons na may bitbit na warrant of arrest para sa mga kaso na tulad ng murder, rape, homicide, pang aabuso sa bata (RA 7610) at iligal na droga (RA 9165).
Nanguna sa talaan ang Cavite Police Provincial Office na nakadakma ng 20 Most Wanted, kung saan 6 dito ay pawang nasa Regional Level.
Sumunod ang Laguna PPO na nakahuli ng 17 na nakalista sa Regional Level, habang 14 naman ang nadaklot ng Rizal PPO at tatlo ang nasa Regional Level.
Si alyas Kulot na may kasong murder ay nahuli sa Lucena City, Quezon ng pinagsanib na puwersa ng Lucena Police, RMFB4A, at Quezon PIT, at si alyas Bintuno ay nadakip sa Tondo, Maynila ng Pagbilao Police para sa kasong murder.
Nahuli si alyas Gojo na hinahanap ng Calauan Police habang nagtatago sa Lipa City, Batangas para sa kasong Qualified Rape ay naaresto rin.
Kasalukuyang nakakulong sa kani-kaniyang arresting units ang mga suspek para sa kaukulang dokumentasyon bago iharap sa mga hukumang naglabas ng kanilang warrant of arrest.
