Calendar
Kamara tatanggihan ang mga proyektong walang kumpletong dokumento, tamang coordinates sa 2027 budget
NANGAKO ang mga lider ng Kamara de Representantes na hindi nila papayagang maisama sa pambansang badyet ang mga proyektong walang kumpletong dokumento, walang geotagging o may maling lokasyon, sa nalalapit na pagtalakay ng Bicameral Conference Committee sa panukalang 2027 national budget.
Binigyang-diin ni FPJ Panday Bayanihan Partylist Rep. Brian Poe na kailangang matiyak na kumpleto at tama ang mga dokumentong isinusumite para sa bawat proyekto upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan at maiwasan ang pag-aaksaya ng pondo ng bayan.
“No papers, no geotag or maling geotag,” ani Poe, bilang paglalarawan sa mga posibleng dahilan upang alisin ang mga proyektong hindi sumusunod sa mga kinakailangang dokumentasyon at lokasyon.
Dagdag pa ni Poe, hindi nila tatanggapin ang mga proyektong walang wastong papeles at tamang coordinates dahil hindi makatarungan sa mga mamamayang inaasahang makikinabang sa mga ito.
Sinuportahan naman ni Camarines Sur Representative Arnie B. Fuentebella ng Nationalist People’s Coalition (NPC) ang pahayag ni Poe at sinabing ito rin ang paninindigan ng pamunuan ng Kamara.
Hinimok din ni Bataan Representative Albert S. Garcia ng National Unity Party (NUP), senior vice chair ng House Committee on Appropriations, ang mga grupong nagsusuri sa pambansang badyet na tukuyin nang malinaw kung aling mga proyekto ang may problema upang agad itong masuri at maitama.
Ayon kay Garcia, mahalagang malaman ang mga partikular na kakulangan sa dokumento at iba pang detalye upang mabigyan ng pagkakataon ang mga kinauukulang ahensiya na magsagawa ng kaukulang pagwawasto.
Ibinahagi rin niya ang naging isyu noon tungkol sa maling coordinates ng ilang Farm-to-Market Road (FMR) projects.
Sinabi ni Garcia na nang lumitaw ang mga katanungan hinggil sa mga proyekto, inatasan niya ang kanyang staff na makipag-ugnayan sa People’s Budget Coalition upang makuha ang mga detalye.
Kalaunan, kinilala umano ng Department of Agriculture (DA) na nagkaroon ng typographical error sa paglalagay ng coordinates ng mga proyekto.
Samantala, kinumpirma rin ni Fuentebella na may walong farm-to-market road projects na nagkaroon ng problema sa kanilang mga lokasyon.
Tinanong din si Garcia tungkol sa tinatayang ₱266 bilyong halaga ng mga proyektong pang-imprastraktura na nais ipasuri ng Senado.
Ipinaliwanag niyang hindi partikular na natalakay sa naging pagpupulong nila ni Senador JV Ejercito ang mga proyektong kabilang sa nasabing halaga.
Ayon sa kaniya, kinakailangan pang pagtugmain at suriin ang mga datos sa panahon ng bicameral conference deliberations.
Nagbabala naman si Poe laban sa paggamit ng malalaking halaga at kabuuang bilang nang hindi muna sinusuri kung ano talaga ang saklaw ng mga ito.
Hinimok niya ang lahat na maging maingat sa pagpapahayag ng mga numero at impormasyon tungkol sa pambansang badyet upang hindi magkaroon ng kalituhan sa publiko.
Binigyang-diin din niya na may kaakibat na pananagutan ang bawat proyektong isinasama sa pambansang badyet.
Ayon kay Poe, mahalagang tiyaking tama ang mga datos, kumpleto ang dokumentasyon at malinaw ang detalye ng bawat proyekto bago ito aprubahan at pondohan ng pamahalaan.

