Calendar
20 senador, hiniling ideklara ang calamity sa El Niño
HINIMOK ng 20 senador nitong Lunes si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magdeklara ng state of calamity o state of imminent disaster sa mga lugar na apektado o nanganganib sa El Niño, at agad na gamitin ang pondo ng gobyerno habang lumalaki ang pinsala sa agrikultura.
Nilagdaan nila ang Proposed Senate Resolution 765, na humihiling sa Pangulo na gawin ang deklarasyon batay sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, sa ilalim ng Republic Act 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010, at Republic Act 12287 o Declaration of State of Imminent Disaster Act. Sa ilalim ng RA 12287, pinapayagan ng state of imminent disaster ang mga hakbang na paghahanda bago pa tumama ang tinatayang sakuna
Lumagda sina Senator Francis “Kiko” Pangilinan, Senate President Sherwin Gatchalian, Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III, at mga Senador Imee Marcos, Robin Padilla, Juan Miguel Zubiri, Paolo Benigno “Bam” Aquino, Risa Hontiveros, JV Ejercito, Lito Lapid, Joel Villanueva, Erwin Tulfo, Raffy Tulfo, Panfilo Lacson, Francis “Chiz” Escudero, Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Christopher “Bong” Go, Camille Villar at Mark Villar.
Tinukoy sa resolusyon na umabot na sa humigit-kumulang P6.87 bilyon ang pinsala sa agrikultura sa 249,028 ektarya hanggang Setyembre 26, 2026. Katumbas na ito ng 43 porsiyento ng pinsala sa buong El Niño noong 2023 hanggang 2024.
Nasa 106 na lungsod at munisipalidad sa Cagayan Valley, Caraga, Bicol, Calabarzon at Soccsksargen ang nagdeklara na ng local state of calamity hanggang Oktubre 6, at humigit-kumulang 388,375 katao ang apektado, ayon sa resolusyon.
Nakasaad din dito na 2.53 milyon pa lamang sa 11.12 milyong target na benepisyaryo ng Department of Agriculture ang naabutan ng tulong, o 22.8 porsiyento.
Binanggit din ng mga senador ang ulat ng state weather bureau na PAGASA na may strong to very strong El Niño sa Tropical Pacific, na maaaring umabot sa rurok bago matapos ang taon at makaapekto sa bansa hanggang sa unang kalahati ng 2027.
“Planting season ngayon sa ating mga palayan, at kailangan ng tubig. Kailangan mag-plant din tayo ng mga remedial measure tulad ng pag-impose ng price ceilings, at laban sa overpricing, profiteering, at hoarding,” ani Pangilinan.
Sa ilalim ng RA 10121, kasama sa mga hakbang kapag may deklarasyon ng state of calamity ang paglalaan o paglilipat ng pondo para kumpunihin at pagandahin ang mga pampublikong imprastruktura at pasilidad, at ang pagpapautang nang walang interes sa mga pinakatinamaang sektor, alinsunod sa mga umiiral na batas.
Hinimok din ng mga senador ang Department of Budget and Management at iba pang ahensya na agad gamitin ang mga pondong maaaring ilaan sa ilalim ng 2026 national budget, kabilang ang National Disaster Risk Reduction and Management Fund at ang Quick Response Funds ng mga ahensya, o mga pondong nakalaan para sa agarang pagtugon sa sakuna.
Tinukoy sa resolusyon ang humigit-kumulang P112 bilyong kabuuang pondo ng bansa para sa nalalabing bahagi ng 2026, kabilang ang halos P39 bilyon para sa disaster fund. Hiningi rin ang malinaw na pagtutuos kung magkano ang magagamit at maaaring ilaan sa El Niño.
Nais ng mga senador na unahing maihatid sa mga apektadong magsasaka at mangingisda ang farm inputs, patubig, tulong para sa mga alagang hayop, crop insurance at pagkain.
Hiniling din nila na higpitan ang pagbabantay sa presyo ng mga pangunahing bilihin laban sa overpricing, profiteering at hoarding, at regular na iulat sa Senado ang paggamit ng pondo, paghahatid ng tulong at galaw ng presyo.

