Rape

Sidecar driver ginapang, hinalay stepdaughter, 15, habang lasing

Edd Reyes Nov 20, 2026
111 Views

GINAPANG at puwersahang hinalay umano ng 33-anyos na sidecar driver ang kanyang stepdaughter habang mahimbing na natutulog sa loob ng silid ng kanilang tirahan sa Navotas City.

Nang makakita ng pagkakataon ang 15-anyos na biktimang itinago sa alyas “Maria”, isinumbong niya sa kanilang kapitbahay ang pang-aabuso ng amain kahit na binantaan umano siya na manahimik kung ayaw niyang may mangyaring hindi maganda sa kanyang buhay.

Kaagad namang sinamahan ng kanyang kapitbahay ang biktima sa Northern NCR Maritame Police Station sa Navotas Fish Port Complex sa North Bay Boulevard North na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na si alyas “Roberto” sa terminal ng mga sidecar sa gate ng naturang complex pasado alas-3:00 ng Huwebes ng hapon.

Inamin naman ng suspek ang panghahalay sa stepdaughter at ikinatuwiran na nasa impluwensiya umano siya ng alak nang gapangin ang dalagita habang natutulog noong Martes ng gabi sa kanilang tinitirhang bahay sa loob ng fishport complex.

Mahaharap ang suspek sa kasong Statutory Rape sa ilalim ng inamyendahan ng R.A. 8353 o ang New Anti-Rape Law, pati na ang paglabag sa R.A.7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act sa Navotas City Prosecutor’s Office.