NAIA

Bagahe sa NAIA nakitang naglalaman ng gun parts

Jun I Legaspi Nov 20, 2026
109 Views

NASABAT ng mga Security Screening Officer (SSO) ng Office for Transportation Security (OTS) ang mga hinihinalang ipinagbabawal na kagamitan sa loob ng checked-in baggage ng isang pasaherong patungong Indonesia sakay ng Philippine Airlines Flight No. PR 535 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Nobyembre 19, 2026.

Sa isinagawang regular na security screening sa baggage make-up area ng paliparan, napansin ni X-ray Operator SSO Erica Ginger Dela Cruz ang mga kahina-hinalang imahe sa X-ray monitor na kahawig ng mga bahagi ng baril.

Alinsunod sa itinakdang standard operating procedures, agad niyang ipinaalam ang natuklasan kina Baggage Inspector SSO Karene Grace Soledad at Area In-Charge Roque Navarro.

Isinailalim sa masusing manu-manong inspeksyon ang bagahe, kung saan natuklasan ni SSO Soledad ang mga hinihinalang ipinagbabawal na kagamitan. Kaagad itong ipinakita sa mga nakatalagang tauhan ng Philippine National Police Aviation Security Group (PNP AVSEGROUP), na siyang nagkumpirmang ang mga nasabat na kagamitan ay mga bahagi ng airsoft gun.

Ang pasahero at mga nasabing kagamitan ay ipinasa sa pangangalaga ng PNP AVSEGROUP para sa kaukulang pagproseso at disposisyon. Pinayagan naman kalaunan ang pasahero na makasakay sa kanyang nakatakdang biyahe.

Pinaalalahanan ni OTS Administrator Undersecretary Gilberto DC Cruz ang mga pasahero na suriin ang OTS Prohibited Items List at tiyaking sumusunod sa mga umiiral na patakaran sa pagdadala ng mga baril at kagamitang may kaugnayan sa airsoft upang maiwasan ang abala sa biyahe at makatulong sa pagpapanatili ng seguridad sa mga paliparan.

“Napakahalaga ng pagsunod sa mga regulasyon sa pagdadala ng mga baril at kagamitang may kaugnayan sa airsoft upang matiyak ang seguridad sa ating mga paliparan. Hinihikayat namin ang mga pasahero na tiyaking kumpleto ang kinakailangang dokumento at nasusunod ang wastong mga pamamaraan bago bumiyahe,” ani Usec. Cruz.

Muling ipinakita ng insidenteng ito ang pagiging mapagmatyag at maagap ng mga tauhan ng OTS sa pagpapatupad ng mga hakbang sa civil aviation security, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na higit pang paigtingin ang seguridad sa sektor ng transportasyon para sa kaligtasan at proteksyon ng naglalakbay na publiko.