Calendar
Larawan: Professional Regulation Commission/FB
1,240 bagong nutritionist-dietitians, pumasa sa licensure exam
Pumasa ang 1,240 sa kabuuang 1,477 examinees sa November 2026 Nutritionists-Dietitians Computer-Based Licensure Examination, ayon sa Professional Regulation Commission (PRC).
Inilabas ang resulta isang araw ng trabaho matapos ang huling araw ng pagsusulit na isinagawa sa iba’t ibang testing centers sa bansa, kabilang ang Baguio, Cagayan de Oro, Cebu, Davao, Iloilo, Legazpi, Lucena, Pagadian, Pampanga, Rosales, Tacloban, Tuguegarao at Puerto Princesa.
Nanguna sa mga paaralang may 50 o higit pang examinees ang University of the Philippines-Los Baños matapos makapagtala ng 100% passing rate, kung saan lahat ng 128 examinees nito ay pumasa. Sumunod ang University of Santo Tomas na may 98.04% passing rate o 100 sa 102 examinees.
Sa mga paaralang may 30 hanggang 49 examinees, nanguna ang Central Mindanao University na may perpektong 100% passing rate. Pumangalawa ang Centro Escolar University-Manila na may 97.06%, habang pumangatlo ang Silliman University na may 95%.
Simula Disyembre 10, 2026, maaaring magparehistro online ang mga matagumpay na examinee para sa pagkuha ng Professional Identification Card at Certificate of Registration sa opisyal na website ng PRC. Ang petsa at lugar ng oath-taking ceremony ay iaanunsyo pa.
Maaaring ma-access ang listahan ng mga nakapasa sa pamamagitan ng link na ito: https://drive.google.com/file/d/1eD4bQ81kyMNunbhhk0JSUnsPnTFwqOOj/view?usp=sharing.

