Vic Reyes

Mendoza prayoridad ang pagtanggal sa red tape

Vic Reyes Nov 22, 2026
116 Views

MASAGANANG araw sa lahat ng ating mambabasa.

Binabati natin sina Ma. Theresa Yasuki, La Dy Pinky, Patricia Coronel, Hiroki Hayashi, Tata Yap Yamazaki, Mama Aki, Endo Yumi, Lorna Pangan Tadokoro, Winger dela Cruz, Yoshiko Katsumata, Roana San Jose at Hiroshi Katsumata, ang kaibigan ng mga Pinoy sa Japan.

Ganun din kay Joann de Guzman at iba pang OFW natin sa Oman.

Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.

***

Opisyal ng nanungkulan si Charlito Martin R. Mendoza, bilang Commissioner ng Bureau of Customs (BOC) noong Nobyembre 19 (Huwebes).

Isang bar topnotcher, si Commissioner Mendoza ay taga Gazan, Marinduque at nagtapos ng abogasya sa San Beda College (SBC)

Siya ay third placer (86.95 percent) noong 2004 bar examination.

Bumalik lang sa ahensya (BOC) si Commissioner Mendoza dahil mahigit tatlong taon siyang nagsilbing district collector ng Port of Cebu, mula Hulyo 2019 hanggang Oktubre 2022.

Sa kanyang inaugural address, binigyang diin niya ang kahalagahan ng “continuity and building on the bureau’s existing reform program.”

Aniya: “I firmly believe on replicating good practices by letting them adapt to conditions at hand.”

Magagamit niya ang kanyang mga naging karanasan sa BOC at Bureau of Internal Revenue (BIR) sa kanyang pamamahala sa customs.

Bago siya hinirang ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa dating snake-infested waterfront, si Mendoza ay top honcho ng BIR.

Ang BIR at BOC ang dalawang pinakamalaking revenue agencies ng gobyerno na nasa ilalaim ng Department of Finance.

Ang kanyang priorities ay “slashing red tape, deepening digitalization, streamlining processes…clarifying rules, and weeding out the undesirables.”

Nanawagan siya “for closer coordination with district collectors to review collection performance and addressing operational concerns, and determine the support needed to meet their targets.”

Ayon pa kay Mendoza, ang mahalaga ay parehong makinabang ang commercial shipments at goods na pinapadala ng mga overseas Filipino workers.

“Sa usaping ito, maliwanag ang aking tagubilin: Higpitan natin ang pagbabantay at pagpapatupad ng batas laban sa smuggling, lalong-lalo sa iligal na pagpasok ng mga produktong agricultural,” paliwanag ni Mendoza.

Tama lang dahil napakalaking epekto sa mga magsasaka ang iligal na pagpasok sa bansa ng mga kontrabandong, kagaya ng gulay, karne at iba pang pagkain.

Mas nabibili sa merkado ang mga kontrabando dahil mura. Hindi kasi sila ipinagbabayad ng buwis.

May mga report nga na itinatapon na lamang ng mga magsasaka ang mga hindi nabibiling gulay.

Kaawa-awa naman ang mga magsasaka!

***

Grabe na ang nangyayaring pagkawatak-watak sa Pilipinas.

Dahil sa sobrang pamumulitika ay nag-aaway ang mga magkakamag-anak, magkakaibigan at magkakabarangay, lalo na sa mga probinsiya.

Hindi na tama ito. Dapat umaksyon na ang mga kababayan natin na ang tanging gusto ay mapagkaisa ang mamamayang Pilipino.

Ang dami nating problema, kasama na ang isyu tungkol sa West Philippine Sea (WPS) at kahirapan sa bansa.

Puwede bang magkaroon tayo ng iisang boses kung ang pag-uusapan ay tungkol sa WPS?

Dapat tayo magkaisa dahil nakasalalay dito ang kinabukasan ng mga Pilipino.

Hindi dapat mawala sa atin ang mga islang pag-aari natin na pinagkukunan ng kabuhayan ng marami nating kababayan.

Para sa ating mga mangingisda, napakalaking fishing ground ang West Philippine Sea. Maraming magugutom na kababayan natin kung mapupunta sa ibang bansa ang mga isla dito.

Maraming bansa, kasama na ang Estados Unidos, Australia at Japan, ang tumutulong sa atin para maipagtanggol natin ang mga islang pag-aari natin.

Ang problema lang, may mga kababayan tayong nakikisayaw sa mga kalaban.

Ang ginagawa nila ay maliwanag na isang pagtataksil sa bayan na kailangang punahin at kondenahin para matauhan sila.

Tama ba kami, Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro ng Department of National Defense?

(Para sa komento at pagbati, mag-text sa 0917-8624484.)