Suspek

Lineman naaktuhang bitbit ninenok na cable wire, huli

308 Views

LAGLAG sang 30-anyos na lineman ng Manila Electric Company (Meralco) matapos maaktuhang may dala umanong nakaw na copper cable wires na nagkakahalaga ng P7,160.79 sa Quezon City.

Kinilala ang suspek sa alyas na Chris, lineman ng Meralco mula pa noong 2024.

Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-11:15 ng umaga noong Nobyembre 21 nang sitahin ng mga security guard ang suspek habang palabas ng main gate ng Meralco Balintawak Sector sa Brgy Apolonio Samson.

Napansin umano ng isang guwardiya ang kakaibang umbok sa berdeng eco bag na nakalagay sa tapakan ng motorsiklo ng suspek.

Nang inspeksiyunin, tumambad sa loob nito ang tinatayang 8.28 metrong insulated copper cable wires na nakabalot sa asul na T-shirt.

Nabigo umanong magpakita ng anumang dokumento o pahintulot ang suspek para mailabas ang mga kable na pag-aari ng kumpanya kaya agad siyang inaresto.

Dinala ang suspek sa Talipapa Police Station 3 dakong alas-4:00 ng hapon para sa imbestigasyon.

Nakatakda siyang iharap sa Quezon City Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings kaugnay ng reklamong pagnanakaw.

Pinuri ni QCPD director PBGen. Christopher Olazo ang mga security guard sa maagap na pagtukoy sa pagnanakaw.