NCRPO

NCRPO sa publiko: Mag-ingat sa hao shao na doktor

Edd Reyes Nov 22, 2026
128 Views

PINAG-IINGAT ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang publiko sa mga nagpapanggap o hao shao na doktor na nag-aalok ng serbisyong medikal kahit walang lisensiya.

Ito’y dahil sa pagkakadakip ng mga elemento ng Criminal Investigation and Detection Group Southern Metro Manila District Field Unit (CIDG

SMMDFU), Professional Regulation Commission (PRC) at Southern Police District (SPD) sa tatlong Vietnamese national na inireklamo ng pagsasagawa ng surgical procedure kahit walang lisensiya noong Nob. 19 sa Brgy. Merville, Parañaque City.

Ayon kay PBGen. Christopher Abrahano, hepe ng NCRPO, may matinding panganib na idudulot ang ilegal na pagbibigay ng serbisyong medikal kung walang sapat na kwalipikasyon ang gagawa.

Malubhang epekto sa kalusugan at buhay ng mga pasyente bunga ng posibleng maling diagnosis, hindi angkop na gamutan at matinding impeksiyon ang pwedeng maging dulot ng pagpapa-opera sa hao shao na doktor.

Malalagay din sa panganib ang mga pasyente dahil sa paggamit ng mga hindi ligtas na gamot, hindi isterilisadong kagamitang medikal at maruruming pasilidad.

Hinimok ng NCRPO ang publiko na agad ireport sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ang anumang kahina-hinalang medical practitioner.