Villanueva

Villanueva pinasisilip pagtanggi ng mga bangko na ibalik nawalang deposito

111 Views

PINASISIYASAT ni Sen. Joel Villanueva kung may sapat na batayan ang mga bangko kapag tumatangging ibalik ang perang nawala sa mga depositor dahil sa tsekeng pineke ang pirma at pag-withdraw ng walang pahintulot.

Inihain ni Villanueva ang proposed Senate Resolution No. 785 na humihiling sa Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies na suriin kung sapat ang pananggalang ng mga bangko laban sa panloloko.

Aalamin kung paano sinusuri ng mga bangko ang pirma at mga utos ng pagbabayad at kung tinitiyak nilang may pahintulot ang sinumang nakikipagtransaksyon para sa may-ari ng account.

Kasama rin sa susuriin ang pag-aasikaso ng mga bangko sa reklamo ng depositor.

“Hindi po dapat maghintay at makipaglaban ng ilang buwan o taon ang isang depositor na nawalan ng pera para patunayan ang naranasan niyang panlilinlang o scam,” ani Villanueva.

Binanggit sa resolusyon ang mga desisyon ng Korte Suprema na paulit-ulit nang nag-oobliga sa mga bangko na sundin ang “highest degree of diligence,” o ang pinakamahigpit na antas ng pag-iingat.

Sa mga kasong ito, pinanagot ng korte ang mga bangko na nagbayad ng tseke na pineke ang pirma. Hindi rin nito tinanggap ang paratang na nagpabaya ang depositor kung hindi ito napatunayan.

“Hawak po ng ating mga bangko ang salapi ng ating mga kababayan, at malinaw po ang ating batas na nakaatas sa mga financial institutions ang responsibilidad na pag-iingat rito,” sabi ni Villanueva.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11765 o Financial Products and Services Consumer Protection Act, may kapangyarihan ang BSP na bantayan at ipatupad ang mga proteksyon para sa mga gumagamit ng serbisyong pinansyal.

“Nakasaad na po sa batas ang mga patakaran. Ang kailangan po nating matukoy ay kung ipinapatupad ang mga ito,” wika ni Villanueva.