DHSUD makakapagtala ng pinakamataas na housing accomplishments

Jun I Legaspi Nov 22, 2026
104 Views

NAKATAKDANG makapagtala ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ng pinakamataas na housing accomplishments bunsod ng malaking pagtaas sa home financing at land ownership sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Batay sa pinakahuling datos ng Pag-IBIG Fund, umabot sa 78,410 bahay na nagkakahalaga ng P127.44 bilyon ang napondohan ng DHSUD mula Enero hanggang Oktubre 2026.

Katumbas ito ng 15 porsiyentong pagtaas sa bilang ng mga bahay na napondohan at 20 porsiyentong pagtaas sa halaga ng housing loan releases kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Samantala, nakapagkaloob ang Social Housing Finance Corporation (SHFC) ng 5,683 indibidwal na Transfer Certificates of Title (TCTs) sa mga benepisyaryong urban poor families sa pamamagitan ng Enhanced Community Mortgage Program (ECMP) mula Enero hanggang Nobyembre.

Bukod dito, posibleng lumampas sa 400 ang bilang ng mga aprubadong housing projects ngayong taon, habang nananatiling mababa sa 6 porsiyento ang denial rate ng mga aplikasyon.

Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, ang mga nasabing bilang ay patunay ng tuloy-tuloy na pagsisikap ng administrasyon na palawakin ang access ng mga Pilipino sa disente at abot-kayang pabahay, anuman ang kanilang antas ng kita at kalagayan sa buhay.

“Ang mga numerong ito ay patunay na tama ang landas na tinatahak ng Expanded 4PH,” ani Secretary Aliling.

Mula Enero hanggang Oktubre 2026, nakapagpondo ang Pag-IBIG Fund ng 15,674 bahay na nagkakahalaga ng P16.20 bilyon sa ilalim ng 3 porsiyentong subsidized interest rate para sa socialized housing.

Ang mga pautang na saklaw ng promotional interest rate na 4.5 porsiyento ng Pag-IBIG Fund umabot sa 31,016 bahay na nagkakahalaga ng P52.91 bilyon.

Ito ay halos 40 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga bahay na napondohan sa naturang panahon.

Maaaring makinabang ang mga kwalipikadong borrower sa ilalim ng Expanded 4PH sa subsidized na 3 porsiyentong interest rate para sa socialized housing, gayundin sa promotional rates na 4.5 porsiyento at 5.75 porsiyento kada taon para sa iba pang mga kwalipikadong aplikante.

Bukod sa housing finance, patuloy ring pinalalakas ng pamahalaan ang mga programa upang matulungan ang mga urban poor families na magkaroon ng legal na pagmamay-ari sa lupang matagal na nilang tinitirhan sa pamamagitan ng ECMP na ipinatutupad ng SHFC.

Ang 5,683 titulo na naipamahagi hanggang Nobyembre ay higit na mataas kaysa sa 3,745 na naibigay noong 2025 at 3,186 noong 2024.

Nalampasan din nito ang taunang accomplishments noong 2022 at 2023 na may 1,868 at 2,387 titulo, ayon sa pagkakasunod.