Tulfo

Govt worker na tatanggi sa digital ID na walang dahilan pwede managot–Tulfo

249 Views

PWEDENG managot sa kasong administratibo ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno na tatanggi sa beripikadong digital ID nang walang makatwirang dahilan, sa ilalim ng panukalang batas ni Sen. Erwin Tulfo.

Oobligahin ng Senate Bill No. 2590 o Government-Issued Digital Identification Acceptance Act ang mga tanggapan ng gobyerno na tanggapin ang beripikadong digital na kopya ng valid government ID bilang patunay ng pagkakakilanlan.

Saklaw ng panukala ang mga pambansang ahensya, mga lokal na pamahalaan, mga korporasyong pag-aari o kontrolado ng gobyerno, mga institusyong pinansyal ng gobyerno at iba pang tanggapan ng pamahalaan.

Bawal ding maningil ang mga tanggapan ng dagdag na bayad dahil digital ID ang ginamit.

Pwede pa ring singilin ang mga bayaring itinakda ng batas para sa mismong serbisyo o para sa pagkuha at pag-renew ng ID.

Ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang magbabantay sa pagsunod sa batas. Ito rin ang tatanggap at aaksyon sa mga reklamo, mag-iimbestiga, at magpapasa ng mga paglabag sa tanggapang may kapangyarihang magdisiplina sa kawani.

Hindi mananagot ang kawani na tatanggi sa digital ID kung may makatwirang dahilan gaya ng hindi ma-authenticate ang ID, may ebidensyang pinakialaman ito o ginamit sa panloloko, sira ang sistema o may iba pang balidong usaping pangseguridad.

Itinatakda rin ng panukala na hindi sapat na dahilan ang pansamantalang hindi paggana ng verification system para tanggihan ang digital ID na mapatutunayan naman sa ibang paraan.

Puwede pa ring humingi ng dagdag na beripikasyon para mapigilan ang panloloko, identity theft o maling paggamit ng ID.

Hindi rin oobligahin ang sinuman na magkaroon ng gadget o internet para makipag transaksyon sa gobyerno.

Tatanggapin pa rin ang pisikal na ID, at walang pwedeng tanggihan ng serbisyo dahil lang walang access sa digital na teknolohiya.

Ayon kay Tulfo, inihain niya ang panukala matapos magreklamo sa social media ang mga Pilipinong hindi natapos ang transaksyon sa gobyerno dahil hindi kinilala ang kanilang digital ID.

“The government encourages Filipinos to create egov.ph accounts where they have a repository of their IDs, but how come these are not accepted in transactions?” tanong ng senador.

Ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mangunguna sa pagpapatupad kabilang ang pagbuo ng teknikal na pamantayan sa pagtanggap at pagsusuri ng digital ID.

Kapag naisabatas, may 180 araw ang DICT at mga katuwang na ahensya mula sa pagiging epektibo ng batas para ilabas ang implementing rules and regulations (IRR).