Calendar
SOURCE: Larawan mula sa FB/LTO
VLOGGER NA NAGMOTORSIKLO NANG WALANG HELMET HABANG NAKATAYO, IPINATAWAG NG LTO
PINAGPAPALIWANAG ng Land Transportation Office (LTO) ang isang vlogger matapos kumalat sa social media ang video kung saan makikitang nagmamaneho ito ng motorsiklo nang walang helmet at nakatayo habang umaandar ang sasakyan.
Sa inilabas na Show Cause Order (SCO), inaatasan ang content creator na humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO Central Office sa Disyembre 1, 2026, at magsumite ng sinumpaang salaysay kasama ang mga dokumentong magpapaliwanag sa kanyang panig.
Kabilang sa posibleng paglabag na sinisilip ng ahensya ang reckless driving sa ilalim ng Section 48 ng Republic Act No. 4136 at hindi pagsusuot ng kinakailangang helmet alinsunod sa Section 3 ng Republic Act No. 10054 o Mandatory Use of Motorcycle Helmets Act.
Pinagpapaliwanag din ang vlogger kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kanyang lisensya dahil sa pagiging improper person to operate a motor vehicle.
Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, inaatasan siyang isuko ang kanyang driver’s license sa IID at sasailalim sa 90-araw na preventive suspension. Ipapalagay rin sa alarm ang motorsiklong ginamit sa insidente kapag nakumpirma na ang pagkakakilanlan nito.
Ayon kay LTO Chief Asec. Markus V. Lacanilao, dapat maging responsable ang mga content creator sa kanilang ipinapakitang gawain dahil maaari itong gayahin ng kanilang mga tagasubaybay.
Binigyang-diin din niyang walang pinipili ang ahensya sa pagpapatupad ng batas-trapiko, anuman ang kasikatan ng isang motorista.

