US

Kabataang Pinoy sa US binalaan vs radikal na grupo

95 Views

US1Live1

NAGBABALA ang Philippine Embassy sa Washington, D.C. sa mga magulang at Filipino-American community leaders na bantayang mabuti ang mga kabataan laban sa mga radikal at ilegal na grupo sa Amerika.

Nanawagan din ang embahada sa mga Pinoy na magparehistro na bilang overseas voters at i-renew ang kanilang mga pasaporte.

Ito ang naging sentro ng Town Hall meeting na ginanap sa Chancery Annex nitong Nob. 10 na dinaluhan ng mga Fil-Am organizations sa Washington, D.C.

Ayon kay Minister at Consul General Zoilo Velasco, dapat na magparehistro ang mga Pinoy bago mag-Sept. 30, 2027, deadline para makaboto sa 2028 elections.

Sinabi ni Velasco sa mga kababayang may problema sa immigration status na bukas ang kanilang tanggapan para tumulong, lalo na sa mga nakakulong, at sinabing hindi nagbabahagi ng impormasyon ang embahada sa US authorities tungkol sa immigration status ng mga Pilipino.

Batay sa 2025 US Census data, 57 porsyento ng 5.2 milyong Fil-Am sa Amerika ay doon na ipinanganak at isa sa bawat apat ay wala pang 18 anyos.

Sa ngalan ni Ambassador Jose Manuel Romualdez, binanggit din ni Chargé d’Affaires Felipe F. Cariño III ang mga online attacks laban sa mga Philippine Foreign Service Posts.

Bagama’t suportado nila ang freedom of speech, iginiit ni Cariño na may hangganan ito sa ilalim ng batas.

Napag-usapan din sa pulong ang mental health ng mga Fil-Am youth, kapakanan ng mga Filipino nurses at suporta sa mga estudyante.

Nagkasundo ang mga dumalong grupo na makipagtulungan sa embahada para sa mga programang pangkabataan at pampalakasan.