Parusa

Deepfake, ipatatanggal sa loob ng 24 oras; kulong sa lalabag

100 Views

OBLIGADONG tanggalin ng mga digital platform sa loob ng 24 oras ang mga inireklamong deepfake, at maaaring makulong ang gagawa o magpapakalat nito nang may masamang intensiyon at walang pahintulot, sa ilalim ng panukalang inihain ni Senator Mark Villar nitong Lunes.

Ang deepfake ay pekeng larawan, video o audio na ginawa o binago gamit ang artificial intelligence (AI) para gayahin ang itsura o boses ng totoong tao.

Sa Senate Bill No. 2620, o ang panukalang “Kontra Malisyosong AI Act,” kailangang humingi muna ng pahintulot, nakasulat man o sa digital na paraan, sa taong gagayahin kung malamang na makapinsala, manlinlang, manligalig, manakot o manamantala ang deepfake.

Kasama rito ang paggamit sa mukha o boses ng iba nang walang paalam sa patalastas, endorsement at iba pang negosyo, sa sekswal o pornograpikong materyal, at sa pulitika. Saklaw din ang pagpapanggap bilang ibang tao para sa scam, phishing at pagnanakaw ng pagkakakilanlan.

“May karapatan ang bawat Pilipino na protektahan ang kanyang mukha, boses, at pagkakakilanlan,” ani Villar.

Kailangan ding may malinaw na abiso ang lahat ng AI-generated o binagong content na ipamamahagi. Sa video, dapat may abisong binabanggit at nakasulat, kasama ang nakikitang marka o link. Sa audio lamang, sapat ang abisong binabanggit. Sa larawan o iba pang visual, dapat nababasa ang abiso habang ipinapakita ito.

May madaling paraan dapat ng pagrereklamo ang mga digital platform na may operasyon sa bansa. Sa loob ng 24 oras mula nang magreklamo ang taong ginaya, o ang magulang o guardian nito kung bata ang biktima, kailangang tanggalin o harangin ang content, maliban kung may batayan sa umiiral na batas para hindi ito gawin.

Puwede ring ipabura ng biktima pati ang mga kopya at muling in-upload na bersiyon, humingi ng danyos, at hilingin sa korte na ipatigil ang pagkalat nito.

Ayon sa tanggapan ni Villar, ganito ang mga parusa sa panukala:

Sa sadyang paggawa o pagpapakalat ng deepfake ng ibang tao nang walang pahintulot na hinihingi ng panukala, kulong na dalawa hanggang apat na taon, multang P250,000 hanggang P500,000, o pareho. Kung bata ang nabiktima, kulong na walo hanggang 12 taon at P500,000 hanggang P1 milyong multa.

P200,000 hanggang P300,000 na multa naman sa hindi maglalagay ng abiso o sadyang magtatanggal o babago rito.

Sa digital platform na lalampas sa 24 oras, P200,000 sa unang beses at P300,000 sa bawat pag-ulit.

Sa explanatory note ng panukala, iginiit ni Villar na walang sinuman sa Data Privacy Act at Cybercrime Prevention Act, kapwa ipinasa noong 2012, ang tahasang tumutugon sa deepfake at sa partikular na pinsalang dulot nito.

Ayon pa kay Villar, ginagamit ng mga scammer ang AI para magpanggap na kamag-anak, opisyal ng gobyerno o executive ng kumpanya. Pero hindi aniya layon ng panukala na pigilan ang AI na ginagamit sa tama at legal na paraan.

“Hindi natin layuning hadlangan ang pag-unlad ng artificial intelligence,” wika niya.

Batay sa mga naunang ulat, may iba pang panukala sa Senado laban sa deepfake na nakabinbin sa komite, kabilang ang inihain nina Senator Paolo Benigno “Bam” Aquino at Senator Robinhood Padilla.

Kailangan pang dumaan ng panukala ni Villar sa pagdinig ng komite at maaprubahan ng Senado at Kamara bago maging batas.