QCPD Source: QCPD PIO

Triker nakorner dahil sa sampal na ikinamatay ng kapwa triker

104 Views

NAARESTO na ang 34-anyos na tricycle driver na tinuturong suspek sa pagkamatay ng kapwa niya driver na umano’y kanyang sinampal sa gitna ng pagtatalo dahil sa nawawalang bag sa Barangay Paltok, Quezon City.

Sa imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-9:10 ng gabi noong Nobyembre 15 nang magtalo ang 64-anyos na biktima at suspek dahil sa nawawalang bag na naglalaman ng pera.

Pinagbintangan umano ng suspek ang biktima na kumuha ng bag na nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa sampalin niya ito.

Dahil sa lakas ng sampal, nawalan umano ng balanse ang biktima at tumama ang ulo sa semento. Nawalan ito ng malay at isinugod sa East Avenue Medical Center, ngunit kalaunan ay idineklarang patay.

Nakatulong sa pagkakakilanlan ng suspek ang CCTV footage na sinuri ng pamilya ng biktima na humingi ng tulong sa Masambong Police Station 2.

Boluntaryong sumuko ang suspek sa Barangay Paltok dakong alas-12 ng tanghali noong Nobyembre 16 at inamin umano ang pananampal sa biktima kasunod ng kanilang hindi pagkakaunawaan.

Kinasuhan na ng homicide ang suspek sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Nagbabala naman si QCPD Acting District Director PBGEN Christopher Olazo na hindi dapat humantong sa karahasan ang anumang hindi pagkakaunawaan.