NCRPO

NCRPO pinahihigpitan seguridad sa mga bangko, ATMs remittance centers

Edd Reyes Nov 24, 2026
159 Views

PINAGHIHIGPITAN ni National Capital Region Police Office (NCRPO) acting director P/BGen. Christopher Abrahano ang seguridad sa paligid ng mga bangko, automated teller machines (ATM), remittance centers at iba pang institusyong pinansyal upang matiyak ang kaligtasan ng publiko ngayong Kapaskuhan.

Sinabi ni BGen. Abrahano na kailangang paigtingin ang police visibility sa mga lugar na maraming institusyong pinansyal dahil sa inaasahang pagdami ng mga transaksyong pinansyal bunsod ng pagbibigay ng mga bonus, sweldo, remittance at iba pang transaksiyon sa pagtatapos ng taon.

Layunin ng pinaigting na seguridad na hadlangan ang pagnanakaw, panghoholdap at iba pang krimen.

Pinaalalahanan din ni BGen. Abrahado ang publiko na manatiling mapagmatyag sa pagsasagawa ng mga transaksyong pinansyal, lalo na ang gumagamit ng ATM.

Dapat siyasatin muna ang mga makina kung may kahina-hinalang nakakabit dito, takpan ang keypad habang inilalagay ang PIN, iwasang tumanggap ng tulong mula sa mga hindi kakilala at iulat ang anumang kahina-hinalang kilos o taong nagtatagal sa paligid ng mga institusyong pinansyal, ayon sa hepe ng NCRPO.

Hinimok din niya ang publiko na iwasang magpakita ng malaking halaga ng pera sa mga pampublikong lugar, maging alerto tuwing magwi-withdraw o magdadala ng pera at mag-ingat lalo na sa mga mataong lugar.