SOCO Sinisiyasat ng mga pulis ang labi ng biktima.

Aso nanghabol ng menor de edad, may-ari n*baril, ts*gi sa pagtatalo

Jon-jon Reyes Nov 24, 2026
154 Views

SOCO1SOCO2SOCO3

HINDI na umabot ng buhay sa pagamutan ang 36-anyos na may-ari ng tindahan na pinagbabaril ng nakaalitan dahil sa aso madaling araw ng Martes sa Paco, Maynila.

Ang pagtatalo ay nauwi sa suntukan sa kahabaan ng 9th Street kanto ng Aviadores Street, Fabie Subdivision, Bgy. 810, Paco.

Nakilala ang biktima na si alyas “Kercher”, lalaki, residente ng Fabie State, kanto ng 4th Street, Barangay 810, Paco, Maynila.

Pinaghahanap ng mga pulis ang suspek na nakilalang si alyas “Mark, “nasa hustong gulang, at residente ng malapit sa pinangyarihan lugar sa Paco.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nakita ng Bgy 810 tanod na si alyas “Marvin,” 50, ang dalawang menor de edad na hinahabol ng umano ng German Shepherd na pag-aari ng biktima.

Nang mapansin ang sitwasyon, tinulungan umano ng suspek ang dalawang menor de edad. Pagkatapos nito, nagkaharap ang biktima at suspek at nagkaroon ng mainit na pagtatalo na nauwi sa suntukan.

Sa gitna ng komosyon, bumunot umano ng patalim ang biktima at sinubukang saksakin ang suspek.

Bilang tugon, bumunot umano ang suspek ng baril at binaril ang biktima ng dalawang beses.

Nakatakas ang suspek, dala ang baril na ginamit sa pamamaril. Naiwan ang kanyang motorsiklo sa pinangyarihan ng krimen.

Isinugod ng mga tanod ng Barangay 810 ang biktima sa Sta. Ana Hospital kung saan idineklara itong dead on arrival (DOA) ng doktor na sumuri sa kanya na nakilalang si Dr. Vanessa Corpuz.

Ayon sa ulat, nagtamo ang biktima ng mga tama ng bala sa tiyan at kanang braso.

Samantala, matapos matanggap ang ulat, inatasan ng Station Commander ang mga tauhan ng Sta. Ana Police Station na magsagawa ng operasyon upang agad na mahuli ang suspek.

Ang motorsiklo ng suspek ay nasa pangangalaga ng imbestigador ng Homicide ‎na si PCMS Jason Ibasco, may hawak sa kaso.

Ang labi ng biktima ay inilipat sa ROA Funeral Service para sa pansamantalang pangangalaga.

Nagsagawa ang SOCO team na pinangunahan ni PMaj. Michael P. Jabel kasama ang apat na iba pa ng pagsusuri sa pinangyarihan ng krimen. Nakarekober sila ng dalawang basyo ng bala ng 9mm na baril.