Tan Assistant Special Prosecutor II Joshua Ang Tan Source: PTV4

OMB PROSECUTOR: WALANG DIREKTANG EBIDENSIYANG NAG-UTOS SI ROMUALDEZ KAY CO NA MAGPASINGIT SA BUDGET, MANINGIL NG KICKBACK

92 Views

NAGPATOTO noong Martes sa Sandiganbayan ang isang prosecutor ng Office of the Ombudsman na walang natuklasang direktang ebidensiya o dokumento ang investigating team na nagpapakitang inutusan ni dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co na magsagawa ng mga insertion sa badyet o mangolekta ng kickback mula sa mga proyekto ng pamahalaan.

Kinilala rin ng testigo na si Assistant Special Prosecutor II Joshua Ang Tan na walang partikular na proyekto sa flood control ang iniugnay sa kaso at walang kontratista o tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nagbigay ng pahayag na tumutukoy kay Romualdez bilang tumanggap ng kickback o komisyon.

Nakuha ni defense lawyer Rashel Ann C. Pomoy ang mga pag-aming ito sa isinagawa niyang cross-examination kay Tan, na tinanong hinggil sa kanyang pahayag sa judicial affidavit na may impluwensiya umano ang dating lider ng Kamara kay Co.

Sa ilalim ng pagtatanong, kinilala ni Tan na si Co, ang dating chairman ng House Committee on Appropriations, ang siyang tumutukoy sa mga proyekto, nagsasagawa ng budget insertions, nagsasama-sama ng mga proyekto sa National Expenditure Program (NEP) at General Appropriations Act, at humihingi ng porsiyento mula sa mga proyekto ng public works.

Kinumpirma rin ni Tan na si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo ay direktang nakikipagtransaksiyon lamang kay Co at hindi kailanman idinawit si Romualdez sa sarili nitong pahayag na kalakip ng complaint affidavit.

Sa kabila ng pagtukoy sa papel ni Co sa umano’y kickback scheme, inamin ni Tan na hindi kinapanayam ng Special Panel of Investigators (SPI) ang dating chairman ng House Committee on Appropriations.

Kinuwestiyon din ng depensa ang dokumentaryong batayan ng mga alegasyon ng Ombudsman na nag-uugnay kay Romualdez sa ilang ari-arian at korporasyon.

Kinumpirma ni Tan na batay sa mga opisyal na dokumento, nakarehistro sa Golden Pheasant at hindi sa pangalan ni Romualdez ang mga ari-arian sa 14 Narra at 30 Tamarind.

Inamin din niya na hindi stockholder si Romualdez ng Golden Pheasant o Brightnews Corporation.

Sa redirect examination, iginiit ni Tan na hindi lamang mga dokumento ng korporasyon ang naging batayan ng mga imbestigador sa pagbuo ng kanilang mga konklusyon.

Binanggit niya ang income tax returns (ITRs) ni abogado Jose Raulito Paras, ang pagiging miyembro nito ng parehong fraternity na kinabibilangan ni Romualdez, at ang pagiging kapwa nila miyembro ng board ng Benguet Corporation bilang ilan sa mga batayan ng teorya ng panel na maaaring ginamit ng dating Speaker si Paras bilang tagapamagitan.

Itinuro naman ng depensa na partner si Paras sa isang matagal nang itinatag at kilalang law firm at hindi sinuri ng investigating team kung mayroon itong magagamit na credit facilities.

Inamin ni Tan na hindi siya nakatitiyak kung maaaring suriin ng mga imbestigador ang kasalukuyang mga obligasyon sa pautang o credit facilities ni Paras sa ilalim ng mga batas sa data privacy.

Nang tanungin ni Justice Ronald Moreno tungkol sa mga hakbang na isinagawa laban kay Paras, sinabi ni Tan na sumasailalim pa rin sa karagdagang imbestigasyon ang mga alegasyon ng money laundering laban sa abogado.

Kinuwestiyon din ng depensa ang batayan ng paghiling ng precautionary hold departure order laban kay Romualdez. Kinilala ni Tan na kabilang sa mga konsiderasyong pinagbatayan nito ang pag-alis ni Co sa bansa at ang hindi na nito pagbabalik.

Kinumpirma ni Tan na walang nakasaad sa kanyang judicial affidavit na minsan nang umalis ng bansa si Romualdez nang walang pahintulot, bagama’t inamin niyang hindi niya nasuri ang lahat ng travel records ng dating Speaker.

Samantala, pinaboran ng Sandiganbayan ang pagtutol ng depensa at iniutos na alisin sa mga rekord ang isang bahagi ng judicial affidavit ni Tan.

Ganito ang nakasaad sa bahaging inalis:

“Pinagtibay ito ng ilang testigo, gayundin ng mga organisasyon ng balita; hindi ito kailanman itinanggi ng akusadong si Romualdez.”

Tumutol din ang depensa sa ilang bahagi ng judicial affidavit ni Tan na tumutukoy sa isang video ni Co, dahil hindi nakalakip ang nasabing video sa affidavit at hindi rin ito kabilang sa mga ebidensiyang iniharap ng prosekusyon.

Sinabi ng testigo na ang proseso ng fact-finding ay “hindi nalilimitahan ng mahihigpit na tuntunin sa ebidensiya” at maaaring mangalap ng lahat ng impormasyon, kabilang ang mula sa mga online source, basta’t sasailalim ang mga ito sa beripikasyon at susuportahan ng mga independiyenteng ebidensiya.

Nang tanungin ni Justice Delos Santos kung ano ang maituturing na lead na maaaring beripikahin, ipinaliwanag ni Tan na isinasaalang-alang ng mga imbestigador ang mga materyal mula sa mga open source, kabilang ang mga video at panayam. Naglabas din sila ng mga subpoena sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan upang matukoy kung maaari pang imbestigahan ang mga naturang impormasyon.

Bagama’t nanindigan ang prosekusyon sa teoryang nag-uugnay kay Romualdez sa umano’y kickback scheme, ipinakita sa testimonya ni Tan na walang tahasang dokumentaryong ebidensiya ang mga imbestigador na nagpapatunay na iniutos ng dating Speaker kay Co na magsingit ng mga proyekto sa badyet o maningil ng komisyon. Wala rin umanong pahayag mula sa mga kontratista o tauhan ng DPWH na tumutukoy kay Romualdez bilang tumanggap ng mga kickback.