Suspek

Kelot, 31, kulong sa pagmomolestiya sa minor

Edd Reyes Nov 25, 2026
70 Views

TIMBOG ang 31-anyos na kelot na wanted sa mga kaso ng pagmomolestiya sa menor-de-edad na biktima nang matunton ang kanyang kinaroroonan Miyerkules ng bago magtanghali sa Taguig City.

Dakong alas-11:40 ng bago mag-tanghali nang madakip ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor si alyas “Jaime”, nakatala bilang No. 3 Most Wanted Person, sa tinutuluyang bahay sa Upper McKinley Road, Brgy. Pinagsama, sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng korte.

Ayon kay SPD District Mobile Force Battalion (DMFB) chief P/Lt. Col. Ronald Cayago, nahaharap sa mga kasong Qualified Rape of a Minor, Qualified Rape through Sexual Assault, at dalawang bilang na kasong Statutory Acts of Lasciviousness ang akusado sa ilalim ng Article 336 ng Revised Penal Code, na may kaugnayan sa R.A. 7610 o ang Special Protection Against Child Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.

Walang piyansang inirekomenda ang Presiding Judge ng Family Court Branch 15 ng Taguig City para sa kasong Qualified Rape of a Minor habang naglaan naman ng P200,000 piyansa para sa Qualified Rape through Sexual Assault, at ₱180,000.00 para sa bawat isang bilang ng kasong Statutory Acts of Lasciviousness.

Pinuri naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Regional Director P/BGen. Christopher Abrahano ang pamunuan ng SPD sa masigasig na pagtugis sa mga wanted na kriminal, lalu na ang mga nakakagawa ng karumal-dumal na krimen.