Sinaksak

Grade 6 student sinasaktan, kinukutya sa paaralan, nanaksak

Edd Reyes Nov 25, 2026
76 Views

INUNDAYAN ng saksak ng 12-anyos na lalaking Grade 6 student ang dalawang kapuwa estudyante, isa rito’y babae, Miyerkules ng umaga sa Caloocan City.

Kaagad na isinugod sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital ang mga biktima na isang 11-anyos na babaing Grade 6 at ang 9-taong gulang na lalaking Grade 4, na kapuwa nagtamo ng mga tama ng saksak sa bahagi ng kanilang katawan.

Kaagad namang na-rescue ng pulisya ang estudyanteng nanaksak, na sa kasalukuyan ay nasa pangagalaga na ng City Social Welfare and Development (CSWD) Office ng lokal na pamahalaan, para sa wastong interbensiyon.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nakakaranas umano ng madalas na pambu-bully sa kapuwa niya mag-aaral sa kanilang paaralan sa Kalayaan Elementary School sa Brgy.176-F Bagong Silang ang children in conflict with the law (CICL).

Hindi lamang umano pisikal na pang-aabuso tulad ng pananampal ng kapuwa kamag-aral ang dinaranas ng CICL kundi pati na panlilibak, pangungutya, at panunuya kaya’t nagpasiyang hindi na lamang pumasok sa paaralan.

Gayunman, nang malaman ng kanyang lola ang pagliban niya sa paaralan, kinagalitan at pilit na pinapasok nitong Miyerkules ng umaga, ngunit bago umalis ay kinuha ang kutsilyo sa kusina na inilagay ng kanyang lola sa balde at inipit ito sa dala niyang aklat.

Pagdating sa paaralan ng ala-6:01 ng umaga, nakita ng CICL na nagtitipon na ang mga mag-aaral para pumila sa lobby at dito na niya sinugod ng saksak ang mga biktima.