BOC

P369M ‘kush’ mula Thailand na idedeliver sa Bulacan, Caloocan naharang ng BOC-NAIA

Jun I Legaspi Nov 25, 2026
124 Views

BOC1BOC2BOC3NASABAT ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang tinatayang 307.866 kilo ng high-grade marijuana o “kush” na may kabuuang halagang humigit-kumulang ₱369.44 milyon mula sa dalawang magkahiwalay na padala na nagmula sa Thailand noong Nobyembre 23, 2026.

Ang mga kargamento ay nakatakdang ihatid sa mga consignee sa Bulacan at Caloocan City.

Nailagay sa masusing pagsusuri ng BOC-NAIA ang dalawang shipment batay sa impormasyong ibinahagi ng Thailand Customs at sa isinagawang cargo profiling.

Sa isinagawang X-ray screening, nakitaan ng mga kahina-hinalang imahe ang mga padala, dahilan upang magsagawa ng K9 inspection ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sa isinagawang pisikal na inspeksyon, natuklasan ng mga tauhan ng Bureau of Customs ang mga pakete ng “kush” na nakatago sa loob ng 164 na kahon.

Nakasaad sa mga dokumento ng kargamento na ang laman umano ng mga ito ay truck side mirrors at iba’t ibang plastik na laruan para sa mga bata.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga kinauukulang ahensya upang matukoy ang mga taong nasa likod ng tangkang pagpupuslit ng ilegal na droga sa bansa.

Maglalabas ang BOC ng karagdagang impormasyon sa oras na maging available ang mga ito.