Ina Tatlong menor de edad ang nasagip at naaresto ang suspek na sangkot umano sa trafficking sa Taytay Rizal. JONJON C. REYES

Ina nag-alok ng live sex show tampok anak na lalaki, 2 pamangkin

Jon-jon Reyes Nov 26, 2026
72 Views

Ina1INARESTO ng National Bureau of Investigation-Human Trafficking Division (NBI-HTRAD) ang isang ina sa Taytay, Rizal, dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 at RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Nagmula ang kaso sa isang referral mula sa Federal Bureau of Investigation (FBI) sa pamamagitan ng Philippine Internet Crimes Against Children Center (PICACC).

Ayon sa impormasyon, natuklasan ang mga materyal na naglalaman ng sekswal na pang-aabuso sa mga bata (Child Sexual Abuse Materials o CSAM) sa mga device na pag-aari ng isang mamamayan ng Estados Unidos.

Sa pagsusuri, natagpuan ang daan-daang larawan at video na maituturing na CSAM sa dalawang magkahiwalay na pag-uusap sa Telegram social media kasama ang mga user na kinilalang sina alyas Zandrea at May.

Pinaniniwalaang iisang tao lamang ang gumagamit ng dalawang magkaibang social media account.

Kabilang sa mga nakuhang materyal ang mga CSAM na nagpapakita sa dalawang pamangkin ng suspek at anak niyang lalaki.

Ibinunyag ng karagdagang imbestigasyon na ang suspek ay sangkot umano sa pag-aalok, pamamahagi, at pagbebenta ng mga seksywal na larawan at video ng mga batang may edad pito hanggang trese anyos.

Noong ika-12 ng Nobyembre, 2026, nag-book ang suspek ng pribadong resort kung saan isasagawa umano ang live sex show ng tatlong menor de edad.

Nagplano at nagsagawa ang mga operatiba ng NBI-HTRAD ng isang operasyon para sagipin ang mga biktima at mahuli ang suspek.

Isinagawa ng NBI-HTRAD ang operasyon sa tulong ng NBI-Evidential Multimedia Division (EMD), Department of Justice-Inter-Agency Council Against Trafficking (DOJ-IACAT), National Coordination Center Against Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (DOJ-NCC-OSAEC-CSAEM), mga kasosyong NGO, at MSWDO ng Taytay, Rizal, katuwang ang lokal na PNP

Nanatiling nakikipag-video call ang undercover agent sa suspek, na siyang nagdala sa mga menor de edad na biktima sa nirentahang lugar.

Naaresto ang suspek habang inaalok umano ang mga menor de edad na biktima para sa live sex show.

Nagresulta ang operasyon sa matagumpay na pag-aresto sa suspek, pagsagip sa tatlong menor de edad na biktima, at pagkumpiska sa iba’t ibang ebidensya.

Iniharap ang suspek sa inquest proceedings.

Pinuri ni NBI Director Atty. Melvin A. Matibag ang mga operatiba ng NBI-Human Trafficking Division (NBI-HTRAD) at ang mga ahensyang katuwang nila dahil sa matagumpay na operasyon.

“Ang pagsasamantala sa mga bata—lalo na kung ginagawa mismo ng mga kapamilyang pinagkatiwalaang mag-alaga sa kanila—ay isang karumal-dumal na krimen na hinding-hindi palalampasin ng NBI,” pahayag ni Director Matibag.