Calendar
Pasanin problema sa turismo
APAT na ahensya ang gustong pasanin ni Senador Erwin Tulfo sa mga problema ng turismo: ang Department of Transportation (DOTr), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Health (DOH) at Department of Information and Communications Technology (DICT).
Ayon kay Tulfo, sponsor ng panukalang ₱4.03 bilyong budget ng Department of Tourism (DOT) para sa 2027, hindi kakayanin ng DOT na mag-isang ayusin ang mga reklamo ng mga turista.
“Kailangan talaga lahat po ng agency magtulong-tulong para tulungan po ang Department of Tourism. Otherwise, hindi po talaga kakayanin ito ng Department of Tourism,” aniya sa plenaryo ng Senado nitong Martes.
Una sa listahan ang pamasahe sa eroplano. Mahal at kakaunti raw ang flight papuntang Coron at El Nido sa Palawan, Siargao at Batanes, kaya dapat itong silipin ng DOTr.
“DOTR should come in to check the fares, ask the airlines bakit ang mahal,” sabi ni Tulfo.
Sa DPWH naman, binanggit niya ang natanggal na pondo ng Tourism Road Infrastructure Program (TRIP), ang programa ng DOT at DPWH para sa mga kalsadang papunta sa mga pasyalan.
Tinanggal din daw ang budget ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA).
Lumabas sa mga numerong inilatag sa Senado na walang subsidy ng national government ang TIEZA sa 2027. Pero may sarili itong corporate operating budget na mga ₱7.7 bilyon.
Kalusugan naman ang usapin sa DOH. “Pag may na-sting ng jellyfish or nalunod, how will they help the tourists?,” tanong ni Tulfo.
Internet ang hinihingi niya sa DICT. “Maging yung DICT, hinahanap ng mga turista, Wi-Fi. Tourist destinations, walang mga Wi-Fi,” aniya.
Kasama rin sa mga inireklamo niya ang maliliit na paliparan, hiwa-hiwalay na transport hub, sirang kalsada sa probinsya at mataas na presyo ng pagkain sa ilang pasyalan.
Ayon sa mga naunang ulat, ganito rin ang hinaing ni Tulfo sa pamasahe noong debate sa 2026 DOT budget. Sinabi niya noon na mas mahal pa ang biyahe papuntang Batanes o Tawi-Tawi kaysa round trip sa Hong Kong.
Ayon sa tanggapan ni Tulfo, bukas pa sa mga amyenda ang budget ng DOT habang tuloy ang deliberasyon ng Senado sa 2027 national budget.

