Turismo

Daan-daang libong turista nabawas sa El Nido, Coron, Siargao

50 Views

DAAN-DAANG libong turista ang nawala sa El Nido, Coron at Siargao mula nang ilipat sa Clark ang mga turboprop flight na dating umaalis sa NAIA, ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri.

Sa plenaryo nitong Huwebes, inilatag ni Zubiri ang datos na ibinigay sa kanya ni Tourism Secretary Dita Angara-Mathay. Mula Enero hanggang Setyembre, 271,720 ang ibinaba ng bilang ng turista sa El Nido at Coron. Sa Siargao, 151,361 ang nabawas, o 59.6 porsiyentong pagbagsak kumpara noong 2025.

Ayon pa sa senador, umabot sa ₱7.6 bilyon ang nawalang economic activity sa El Nido, ₱10.61 bilyon sa Coron at ₱14.2 bilyon sa Siargao.

“This is no laughing matter, this is no joke,” ani Zubiri.

Hiling umano ng Department of Tourism (DOT) na bigyan ng tig-10 slot araw-araw sa NAIA ang mga biyahe papuntang Siargao, Coron at El Nido. Ang ahensiya na raw ang kakausap sa mga resort para gawing tourist package ang mga slot.

Mungkahi naman ni Senate President Sherwin Gatchalian, ibalik muna sa Metro Manila ang mga flight sa tatlong lugar hangga’t wala pang pangmatagalang lunas. Aniya, hindi praktikal na magbiyahe ng dalawang oras papuntang Clark at maghintay ng isang oras para lang sa 30 hanggang 45 minutong lipad.

“Itong mga lugar pwede nating ibalik sa Metro Manila at least for now until we find a permanent solution for the other flights that were relocated to Clark,” ani Gatchalian.

Inalok din ni Zubiri ang Sangley sa Cavite City bilang pansamantalang opsiyon. Handa raw ang alkalde ng lungsod na magbigay ng libreng shuttle mula NAIA. Pero sagot ni Senador JV Ejercito, na nagdepensa sa badyet ng Department of Transportation (DOTr), daan ang problema. Dahil makikitid ang kalsada, aabutin daw ng hindi bababa sa dalawang oras ang biyahe mula Metro Manila.

Paliwanag ni Ejercito, iisa lang ang pangunahing runway ng NAIA. Magkakapareho ang bilis ng mga jet sa paglipad at paglapag, kaya naaantala umano ang pila ng mga eroplano kapag may mabagal na turboprop. Ito raw ang dahilan ng paglipat ng mga turboprop sa Clark.

Dagdag niya, hahanap ang operator ng NAIA ng paraan para maibalik sa Maynila ang ilang turboprop flight, kahit bahagi lang.

Ayon kay Ejercito, ang pangmatagalang plano ay habaan ang runway sa malalaking tourist destination para makalapag doon ang mas malalaking A320. Sa Busuanga, jet na raw agad ang serbisyo sa susunod na taon, ayon sa kalihim ng DOTr. Mas mabigat naman umano ang hamon sa Siargao dahil kailangan pang mag-reclaim.

Ayon kay Zubiri, doble ang gastos sa turboprop dahil nasa 80 pasahero lang ang naisasakay nito, kumpara sa humigit-kumulang 260 ng A320, gayong pareho ang nauubos na gasolina. Aniya, ₱27,000 hanggang ₱30,000 ang pamasahe papuntang Siargao, habang $300 lang papuntang Hong Kong.

Wala rin daw siyang nakitang pondo sa badyet para sa pagpapahaba ng runway. Mukhang wala pa raw nakalaan para sa Siquijor, Busuanga, Coron at El Nido. Tugon ni Ejercito, kahit wala ito sa badyet, may sariling pondo ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para sa pagsasaayos ng mga paliparan.

Batay sa mga naunang ulat, unti-unting inilabas ng NAIA ang mga turboprop flight alinsunod sa utos ng Manila Slot Coordinating Committee noong Disyembre 2024. Huling umalis ang natitirang batch noong Marso 29, 2026.

Iniulat din ngayong buwan na kinumpirma ng CAAP, na kasapi ng komite, na pinag-aaralan na ng panel kung papayagang bumalik sa NAIA ang mga turboprop.

Matapos ang talakayan, idineklarang deemed submitted ang ₱295.8 bilyong panukalang badyet ng DOTr at mga attached agency nito. Pinayagan pa ring magtanong tungkol dito si Minority Leader Alan Peter Cayetano sa susunod na pagkakataon.