Calendar
Kelot hinoldap sa meetup sa babaeng ka-chat; lalaking suspek huli
ARESTADO ang isang 18-anyos na binata matapos holdapin at tangayin ang Toyota Fortuner ng isang lalaki na naengganyo umanong makipagkita sa babaeng nakilala sa social media sa Barangay Commonwealth, Quezon City.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Jarel” habang tinutugis pa ng pulisya ang tatlo nitong kasabwat, kabilang ang babaeng umano’y nag-akit sa biktima na makipagkita.
Batay sa imbestigasyon ng Batasan Police Station (PS 6), naganap ang insidente dakong alas-1:40 ng madaling-araw noong Nobyembre 26 sa Apple Street.
Nabatid na nakipagkita ang biktima sa isang babae na una niyang nakausap sa Threads. Dinala umano siya nito sa isang lugar kung saan biglang sumulpot ang tatlong lalaki at pinagtulungang bugbugin.
Tinangay ng mga suspek ang cellphone at susi ng Toyota Fortuner ng biktima bago tumakas sakay ng naturang sasakyan na may lamang wallet, mga lisensya at bank cards.
Sa isinagawang follow-up operation, nadakip si Jarel dakong alas-12:05 ng tanghali sa kanyang bahay sa Barangay Commonwealth.
Inihahanda na ang kasong robbery with violence against or intimidation of persons at paglabag sa New Anti-Carnapping Act of 2016 laban sa suspek.
Muling nagbabala si QCPD Director PBGen Christopher Olazo sa publiko na mag-ingat sa pakikipagkita sa mga taong nakikilala lamang sa social media upang hindi mabiktima ng krimen.

