P150M inilaan ng Senado para sa maintenance, pagapapaganda ng EDSA Busway

53 Views

MAY ₱150 milyong inilaan ang Senate Committee on Finance para sa maintenance at pagpapaganda ng EDSA Busway sa 2027, pero hindi pa malinaw kung may diskwento pa rin ang mga pasahero sa susunod na taon.

Ibinunyag ito ni Senador Joseph Victor “JV” Ejercito, chairman ng komite at sponsor ng budget ng Department of Transportation (DOTr), nang usisain siya ni Senador Erwin Tulfo sa plenaryo nitong Huwebes.

Gustong malaman ni Tulfo kung bakit walang pondo ang service contracting at fuel subsidy programs. “Wala na po bang diskwento ngayon? Ito po’y inaantay na ng mga kababayan natin. Fully na ba magbabayad na po sila?,” tanong niya.

Sagot ni Ejercito, zero ang dalawang programa sa bersyong ipinasa ng Kamara. “But your Senate Committee added P150 million for the maintenance and improvement of the EDSA Busway project,” aniya.

Hindi tinukoy ni Ejercito kung may mapupunta sa subsidiya sa pamasahe.

Ayon sa mga naunang ulat, ₱1 bilyon ang service contracting at ₱2.5 bilyon ang fuel subsidy ngayong 2026. May ulat din noong Oktubre na nagdagdag umano ang isang komite ng Kamara ng ₱500 milyon para sa dalawang programa.

Sa usapin naman ng eroplano, Civil Aeronautics Board (CAB) ang may kontrol sa pamasahe, paliwanag ni Ejercito. Ito ang sagot niya nang itanong ni Tulfo kung bakit mas mura pang lumipad pa-Hong Kong, Singapore o Bali kaysa pa-Siargao, Coron o El Nido.

Turboprop o eroplanong de-elise raw ang lumilipad sa maraming pasyalan. Mas magastos itong patakbuhin, at 70 hanggang 80 lang ang naisasakay. Kaya plano umano ng gobyerno na pahabain ang mga runway para makalapag ang mas malalaki at mas matipid na jet.

“Unfortunately, it might take some time before that will be realized,” tugon ni Tulfo.

Idinaing din ni Tulfo ang mga pantalan sa Marinduque, Romblon at Palawan na hindi raw kaya ang mga roll-on, roll-off (RoRo) na barko. Tinanong din niya kung bakit walang pondo ang Philippine Ports Authority (PPA).

Batay sa sinabi ng general manager ng PPA, kaya na ng karamihan ng pantalan ang RoRo at barko ang kulang, ani Ejercito. Wala raw pondo ang PPA mula sa national budget dahil may sarili itong kita para sa pagpapaayos ng mga terminal. Department of Agriculture naman ang humahawak sa mga pantalan ng mangingisda.

Hindi kumbinsido si Tulfo. “Kasi parang isang barko lang po ang pwede. Because I was there, I saw it myself,” aniya.

Gayunman, sinuportahan ni Tulfo ang budget ng DOTr.