NPD

Capili: Mga bata dapat di pwersahing mamalimos, magtinda ngayong Pasko

Edd Reyes Nov 28, 2026
26 Views

ANG Pasko ay dapat maging panahon ng kagalakan, pagmamahal, at pag-asa at hindi panahon ng pang-aabuso at pagsasamantala.

Ito ang inihayag ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, kasabay ng panawagan sa buong komunidad ng Caloocan, Malabon, Navotas, at Valenzuela (CAMANAVA) na maging mapagbantay laban sa grupo ng sindikatong kriminal na magsasamantala sa kahinaan ng mga bata para puwersahing mamalimos, manghingi o magbenta sa kalsada, at iba pang uri ng pagsasamantala.

Nagpaalala si BGen, Capili sa publiko na hindi dapat pinagkakakitaan ang kahinaan ng mga bata o ilagay sila sa panganib para lang sa kapakanan ng iba dahil ang bawat bata ay nararapat sa pagkalooban ng proteksyon, pag-aalaga, at ligtas na kapaligiran lalu na sa panahon ng Kapaskuhan.

Hinimok din niya ang mga magulang, tagapag-alaga, at miyembro ng komunidad, na bantayan ang mga bata at agad na isumbong sa pulisya o sa social welfare office kung may matutuklasang kaso ng pang-aabuso at pagsasamantala sa mga bata.

“Huwag nating hayaang gamitin ang diwa ng Pasko bilang pagkakataon upang pagsamantalahan ang mga inosenteng bata,” pahayag ng NPD chief, kasabay ng pagbibigay-diin na ang kanilang kaligtasan ay responsibilidad ng lahat.