Calendar
Tunay na malasakit at pagmamahal para sa PWD, liwanag para sa PDL ang aming dalangin, Panginoon
MAHAL naming Diyos, idinadalangin po namin ang mga kapatid naming Persons-with-Disabilities (PWDs) na dumaranas ngayon ng sunod-sunod na diskriminasyon sa mga taong mababaw ang pang-unawa sa kalagayan nila.
Nawa’y gabayan Niyo mahal na Panginoon ang mga kapatid naming PWD upang maiparamdam namin sa kanila ang tunay na malasakit at pagmamahal sa kabila ng kanilang kakulangan sa pisikal man o sa pag-iisip.
Taos puso rin kaming dumadalangin sa Inyo mahal naming Diyos para naman sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL) para makita nila ang liwanag ng daan patungo sa Inyo. Nawa’y matagpuan Ka nila Panginoon para tuluyan na nilang talikuran ang kasalanan at piliin ang landas patungo sa pagbabagong buhay at pagbabalik loob sa Diyos.
Nananalangin kami Panginoon para sa kanila, patnubayan Niyo po sila kasama ang kanilang pamilya.
Ito ang aming samo’t dalangin sa ngalan ng dakilang Diyos.
AMEN
Ni Bro. Marianito Rodriguez, O.P.
Lay Dominican
