Calendar
EDCA hindi gagamitin sa opensiba– PBBM
HINDI umano gagamitin ng Pilipinas ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) nito sa Estados Unidos upang atakehin ang China.
“Hindi tayo papayag, ang Pilipinas, hindi tayo papayag na gamitin ang mga bases natin para sa kahit anong offensive na action. Ito ay para lamang tulungan ang Pilipinas, pagka nangangailangan ng tulong ang Pilipinas,” sabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sinabi ni Marcos na gagamitin ang EDCA upang mapalakas ang depensa ng bansa.
“Ang ginagawa lamang natin ay ipagpatuloy natin na pinapatibay natin ang depensa ng ating teritorya, ang pagdepensa ng Republika,” ani Pangulong Marcos.
Ayon sa Pangulo ang EDCA ay makatutulong din upang saklolohan ang mga Pilipino sa panahon ng kalamidad.
“Lahat ito existing na ‘yan. Mayroon na talaga tayong… kampo diyan na dati pa. At ang kaibahan lamang at sa ginawa natin dito ay ‘yung EDCA ay binibigyan natin ng pagkakataon ang ating mga — our only treaty partner, which is the United States, we give the chance to be able to come and help us in any way, lalong-lalo na… nag-umpisa talaga ‘yan sa pagtulong sa mga disaster relief, ganyang klaseng bagay,” paliwanag ng Pangulo.
Inanunsyo ng Malacañang kamakailan ang apat na bagong EDCA sites. Ito ang Naval Base Camilo Osias sa Sta Ana, Cagayan; Lal-lo Airport sa Lal-lo, Cagayan; Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela at Balabac Island sa Palawan.