Calendar
Payo ni Mayor Inday sa mga botante: Magdala ng kodigo
PINAYUHAN ni vice presidential candidate at Davao City Mayor Sara Duterte ang mga botante na magdala ng kodigo para walang makalimutan sa kanilang mga iboboto.
Sa kanyang talumpati sa Iloilo City, sinabi ni Duterte na maaaring mayroong maluklok sa puwesto kahit na hindi nararapat dahil may mga botante na nakalimot na iboto ang mga karapat-dapat.
Sinabi ni Duterte na mayroong pag-aaral na nagsasabi na kadalasan ay anim lamang sa 12 puwedeng iboto sa pagkasenador ang naiboboto ng isang botante dahil nakalimutan ng mga ito ang iba.
Dahil sa sobrang haba umano ng balota at dami ng pangalan mayroon umanong mga botante na tinatamad ng maghanap.
Upang maiwasan ito, sinabi ni Duterte na makabubuti kung magdadala ng kodigo o kopyahin ang botante.
Makabubuti rin umano na isulat na rin ang mga numero ng mga kandidato para mas mapadali ang paghahanap.
Labing-dalawa umano ang senador na maaaring iboto at maganda kung ito ay mapupunuan lahat.
Suportado ni Duterte ang mga senatorial candidate na sina Jinggoy Estrada, Herbert Bautista, Mark Villar, Loren Legarda, Harry Roque, Rodante Marcoleta, Larry Gadon, Gringo Honasan, Gibo Teodoro, Sherwin Gatchallian, Migz Zubiri at Robin Padilla.