Vargas

Vargas isinusulong mas mataas na sahod ng mga guro

Mar Rodriguez Sep 19, 2023
228 Views

NANANAWAGAN si House Deputy Majority Leader at Quezon City 5th Dist. Congressman Partick Michael “PM” D. Vargas kay House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez para maaksiyunan agad ang iba’t-ibang panukalang batas na naglalayong pataasin ang suweldo ng mga guro sa bansa.

Ikinalulugod din ni Vargas ang inilabas na ng Department of Budget and Management (DBM) at Department of Education (DepEd) ang P11.6 billion para ilaan sa Performance Based Bonus ng mga teachers mula sa pangpublikong paraalan kabilang na ang secondary schools sa iba’t-ibang rehiyon.

Sinabi ni Vargas na “deserve” aniya ng mga guro na maibigay ang iba’t-ibang uri ng insentibo dahol sa kanilang natatanging kontribusyon para sa sektor ng edukasyon sa kabila ng kahirapang kinakaharap nila.

Gayunman, umaasa si Vargas na agad na tutugunan ng Kamara de Representantes sa pamamagitan ni Speaker Martin Romualdez ang matagal ng inaasam ng mga guro patungkol sa upgrading ng kabilang sahod o salary upgrading bago man lamang ang pagdiriwang ng “World Teacher’s Month” sa susunod na buwan.

Isinulong din ni Vargas ngayong 19th Congress ang House Bill No. 4070 na naglalayong i-adjust ang minimum Salary Grade (SG) level ng mga public school teachers mula SG 11 na nasa P25,439 kada buwa tungo sa SG 19 o may katumas na sahod na P49,835.00 kada buwan.

Pinapurihan din ng Chairman ng House Committee on Poverty Alleviation na si 1-PACMAN Party List Congressman Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., ang DBM at DepEd dahil sa pagpapalabas nito sa P11.6 billion para sa Performance Based Bonus ng mga teachers na isang malaking tulong para sa kanila.

Sinabi ni Romero na nararapat lamang na mabigyan ng insentibo ang mga guro na na maihahalintulad sa pagkilala o recognition sa kanilang napakalaking ambag para sa edukasyon ng mga Kabataang Pilipino.