Mandanas

Batangas todo-suporta kina BBM, Inday Sara

596 Views

TODO-SUPORTA ang Batangas kina Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) vice presidential bet Sara Duterte.

Naniniwala si Batangas Gov. Hermilando “Dodo” Mandanas sa sinasabi nina Marcos at Duterte na ang pagkakaisa ang susi upang malagpasan ng Pilipinas ang mga hamon na kinakaharap nito.

“Magkaisa tayo, ‘yan ang pamamaraan. Hindi ‘yung magbangayan. Talagang magkaisa. Ang layunin natin ay talagang itaas ang dangal ng mga Pilipino,” sabi ni Mandanas.

Kung sa mga nagdaang eleksyon ay natalo si Marcos sa Batangas, kumpiyansa si Mandanas na mananalo na ito sa paparating na eleksyon dahil iba na umano ang sitwasyon ngayon.

“Yung mga nakaraang eleksyon kakaiba ang mga kondisyon, ngayon ang kailangan natin ay pamumuno na kapares ni BBM at ni Sara, for president at vice president. Kailangan lagi nating didinggin, ano ang kailangan natin ngayon at sa hinaharap,” sabi ni Mandanas.

Ayon kay Mandanas kaisa nina Marcos at Duterte ang Batangas sa diwa at pagsusulong ng panawakan nilang pagkakaisa.

“Ang Batangas kilala tayo na laging nangunguna sa pagpapataas ng dangal. Mawala na ang ating yaman, ‘wag lang ang ating yabang, ang ating dangal,” dagdag pa ng gubernador.

Ang Batangas ay mayroong 1.8 milyong rehistradong botante.