Sara Nagbibigay ng kanyang mensahe ng pagkakaisa Lakas-CMD vice presidential candidate, Davao City Mayor Sara Duterte sa mga barangay officials, health workers at community leaders sa Sara Para sa Barangay program na ginanap sa multipurpose gym ng School of Mount St Mary sa San Miguel, Bulacan. Nagpahayag ng suporta kay Duterte si Mayor Roderick Tiongson at 49 barangay chairmen. Kuha ni VER NOVENO

Mayor Inday binigyan-diin halaga ng pag-aaral, family planning sa mga Dumagat sa Bulacan

270 Views

BNIGYANG-DIIN ni vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte ang kahalagahan ng pag-aaral sa kanyang pagbisita sa mga Dumagat na nasa Bulacan.

Ayon kay Duterte malaki ang maitutulong ng edukasyon upang makawala sa tanikala ng kahirapan na isa sa mga problemang kinakaharap ng bansa.

Bilang alkalde ng Davao City, tiniyak ni Duterte na nakararating sa mga Indigenous Peoples (IPs) ng lungsod ang mga programa ng gobyerno gaya ang edukasyon.

Pinasimulan ni Duterte ang programang Peace 911 sa Paquibato District area upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga IP gaya ng pangkabuhayan at edukasyon upang tumaas ang antas ng kanilang pamumuhay.

“Lagi naming sinasabi sa kanila (tribes in Davao) ang importansya ng pagpapa-aral sa kanilang mga anak,” sabi ni Duterte.

Upang mahikayat ang mga magulang na pag-aralin ang kanilang mga anak, naglagay ang city government ng eskuwelahan sa kanilang lugar.

Sinabi ng residente na si Michelle Bertudes, 33, na mahalaga na mayroong aral para maproteksyunan ang kanilang tribo mula sa diskriminasyon.

“Para po kaming mga Dumagat ay kahit konti meron namang marating para po pag kami bumababa ng bayan, may kaunti kaming ibebenta sa kanila, hindi po kami kayang lokohin. Ang mangyayari po sa amin porket wala kaming pinag-aralan, kung magkano nalang po ang ibibigay sa amin,” sabi ni Bertudes.

Bukod sa pag-aaral, sinabi ni Duterte na mahalaga ring maituro ang maayos na pagpaplano ng pamilya.

“Pangalawa sa lagi namin sinasabi sa mga katutubo doon sa amin sa Davao ay ang pagpaplano para sa ating pamilya. Hindi po pwede na mag-anak tayo nang mag-anak pero wala tayong plano paano natin sila papag-aralin,” dagdag pa ng Davao City mayor.

Pabor naman dito si Gemma Santos, 22, na may anim na buwang gulang na anak.

“Dapat planuhin ang pamilya dahil sa kahirapan. Gustohin ko mang magkaroon ng maraming anak, kung hirap na po kami, paano naman po yung mga anak namin mabubuhay? Ayaw ko naman pong makita yung mga anak kong hindi kumakain,” sabi ni Santos.

Nagpasalamat si Duterte sa pagsuporta ng Dumagat sa kanya at sa kanyang adbokasiya.