Benhur Abalos

Kampanya vs iligal na. droga lalong titindi sa Camanava

Jun I Legaspi Aug 25, 2024
54 Views

INAASAHANG magiging mas maigting ang kampanya laban sa iligal na droga sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (Camanava) matapos iutos ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ang paglalatag ng programang Revitalized Pulis sa Barangay (R-PSB) sa apat na siyudad.

Pinamumunuan ni Police Brig. Gen. Rizalito Gapas, Northern Police District (NPD) director, ang Camanava. Bagong naging NPD director, naging chief of police ng Pasig City, deputy provincial director ng Negros Occidental at deputy director ng Special Action Force ang heneral.

Kaakibat ng Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) ang R-PSB na flagship program ng pamahalaan at ikakasa sa hindi bababa sa 25 posyento ng mga barangay sa Camanava.

“Maglalagay tayo ng pulis sa mga barangay na kinakailangan. Pinalista ko at least 25% ng lahat ng mga barangay na tututukan natin,” ani Abalos kaharap ang 3,000 katao na lumahok sa Usapang BIDA sa Camanava noong Sabado sa Caloocan City.

Idinagdag niya na sa pamamagitan ng RPSB mailalapit ang laban sa iligal na droga sa mga pamayanan at mailalapit ang mga masisipag na pulis sa mga kabarangay.

Binigyang-diin din ni Abalos na hindi papayag ang pamahalaan na lumawak ang suliranin sa iligal na droga at ginagawa nila ang lahat upang sawatain ang iligal at masamang gawaing ito sa pamamagitan ng mga programang gaya ng RPSB at BIDA.

“Labanan natin ang droga at huwag kayong matakot, dahil kung matatakot tayo, walang mangyayari sa atin,” saad ni Abalos.

Kaugnay nito, 13 ang nagsipagtapos sa Community-Based Drug Rehabilitation Program ng Caloocan LGU at 10 estudyante mula sa University of Caloocan City ang binigyan ng mga tablet na magagamit sa inilatag na programa.

Samantala, pinangunahan din ni Abalos ang BIDA Ka sa Tamang Nutrisyon program kung saan 200 mga ina at kanilang mga anak ang naging benepisyaryo ng feeding program.

Pinagkalooban sila ng mga food pack na handog ng Bureau of Fire Protection – Manila Fire District at San Miguel Corp.