Bangkay

Bangkay ng dayuhang call center agent nakitang nakabulagta sa tirahan

8 Views

NADISKUBRE ang nangangamoy na bangkay ng dayuhang call center agent noong Linggo na nakabulagta sa bahay niya sa Unit 3L, Cluster 1, Cambridge Village, Barangay San Andres, Cainta, Rizal.

Kinilala ang bangkay na isang Cameroonian na nasa 40-50-anyos na call center agent, ayon sa mga pulis.

Napag-alamang hindi nagre-report sa trabaho sa Telus mula pa noong Setyembre 26 ang biktima at nalaman lang ang sinapit ng may maghanap na kababayan niya.

Isang mensahe ang natanggap ni Esau Mukete, taga-Cameroon, mula sa Telus na nagtatanong tungkol sa pagkawala ng biktima.

Humingi ng tulong ang kababayan ng biktima sa barangay bago pumunta sa tahanan ng biktima.

Pagdating sa bahay ng biktima dakong alas-4:20 ng hapon, napansin ang masangsang na amoy na nagmumula sa yunit.

Binuksan ang nakasarang pinto at natagpuan ang namamagang katawan ng biktima na nakabulagta sa sahig.

Walang palatandaan na may naganap na krimen sa pagkamatay ng biktima at hindi rin nagalaw ang mga personal na pag-aari ng biktima, ayon sa mga pulis.