bro marianito

Ang totoong nagpaparumi sa tao ay ang nilalaman ng kaniyang puso (Marcos 7:14-23)

203 Views

NANINIWALA ba kayo sa kasabihan na kung ano daw ang ating ikinikilos ay repleksiyon daw ito ng ating pagkatao?

Sa ating Mabuting Balita (Marcos 7:14-23) ipinaliwanag ni Hesus sa kaniyang mga Disipulo ang totoong nagpaparumi sa isang tao.

Taliwas naman sa paniniwala ng mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan tungkol sa mga aral na kailangan sundin pagdating sa kalinisan at nagpaparumi sa isang tao.

Sa paniniwala ng mga Judio, kailangan munang maghugas ng kamay ang mga Alagad ni Hesus bago kumain dahil ito ang kaugalian ng mga Judio na dapat nilang sundin.

Sinusunod din nila ang iba pang kaugaliang minana nila sa kanilang mga ninuno.

Tulad ng paghuhugas muna ng mga pagkaing galing sa palengke bago nila ito kainin at iba pang mga turo na minana nila.

Ngunit para kay Hesus, ang lahat ng ito ay pawang kapaimbabawan lamang ng mga Pariseo at tagapagturo ng Kautusan.

Dahil ang kalinisang itinuturo nila ay kalinisang makikita lamang sa panlabas. Ngunit mas higit na mahalaga ang kalinisan nasa sa loob ng isang tao.

Ipinahayag ni Hesus na ang totoong nagpaparumi sa tao ay hindi ang mga pagkain na pumapasok sa kaniyang bibig o mga bagay na nakikita sa panlabas kundi ang mga bagay na lumalabas sa kaniyang puso.

Parang sinabi na rin ni Kristo sa mga Judio na hindi ang maruming kamay ng isang tao ang totoong nagpaparumi sa kaniya.

Itinuturo sa atin ng Pagbasa na kung ano man ang ating ikinikilos mabuti man o masama. Ito ay repleksiyon lamang ng nilalaman ng ating mga puso.

Ipinaliwanag ni Hesus sa kaniyang mga Disipulo na sa loob ng puso ng tao nagmumula ang lahat ng kasalanan na totoong nagpaparumi sa isang tao tulad ng kahalayan, pakikiapid, pagnanakaw, pagmumura, pagkagalit, panlalait at pagpatay.

Para kay Hesus, ito ang higit na pinahahalagahan ng ating Panginoong Diyos kung ano ang nilalaman ng ating mga puso.

Hindi mahalaga sa Diyos kung tayo man ay mayaman, mahirap, may kapansanan man o wala.

Sapagkat ang mahalaga para sa ating Panginoon ay ang pagsunod natin sa kaniyang kalooban.

Mahalaga para sa Diyos ang mga mabubuting bagay na ating ginagawa dahil anoman ang nakikita sa ating panlabas.

Ito rin ang nilalaman ng nasa sa loob ng ating mga puso. Balutan man tayo ng kumikinang na ginto.

Hindi parin natin maitatago sa Panginoon ang ating totoong pagkatao dahil ang tinitignan niya ay kung ano ang nilalaman ng ating mga puso at hindi ang panlabas.

Ang taong mabuti sa panlabas at marumi naman ang loob ng puso ay katulad lamang ng isang mansanan na maganda sa labas subalit ang loob pala’y puno ng uod.

Manalangin Tayo:

Panginoon naming Diyos. Tulungan mo po kaming makagawa ng mga bagay na kalugod-lugod sa iyo, dahil batid namin na ito ang tunay mong pinahahalagahan at hindi ang mga bagay na pakitang tao at panlabas lamang.

AMEN