Rapist

Lalaking wanted sa gahasa sa QC huli sa Valenzuela City

Edd Reyes Oct 4, 2024
8 Views

DINAKMA ng pulisya ang wanted na rape suspek sa Quezon City habang nakatayo sa harap ng bantog na supermarket Biyernes ng madaling araw sa Valenzuela City.

Hindi na nakapalag si alyas “Paeng”, 35, nang isilbi sa kanya ng mga tauhan ni Valenzuela acting police chief P/Col. Nixon Cayaban ang warrant of arrest na inilabas ni Quezon City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Noel L. Parel ng Branch 106 na may petsang Setyembre 26, 2024 para sa kasong rape makaraang makorner sa harap ng Puregold Supermarket dakong ala-1:45 ng madaling araw sa McArthur Highway, Malanday.

Naitala sa Quezon City Police District (QCPD) ang akusado bilang most wanted person nang maglahong parang bula sa naturang lungsod matapos sampahan ng kasong panghahalay at hindi na rin mahanap ng pulisya sa kanyang tirahan sa Tondo, Maynila.

Nang maglabas ng alarma ang QCPD laban sa akusado, pinakilos ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas ang mga city chief of police na kanyang nasasakupan upang tumulong sa pagtugis kay alyas Paeng.

Nang makatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Valenzuela Police Station Intelligence Section (SIS) na namamataan sa Brgy. Malanday ang akusado, dito na sila nagsagawa ng magdamagang paniniktik hanggang tuluyang masukol si alyas Paeng.

Pansamantalang nakapiit sa custodial facility ng Valenzuela Police Station ang akusado bago siya dalhin sa QCPD upang sila na ang maghintay ng commitment order na ilalabas ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa pangangalaga ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).