Negosyante pinagbabaril ng 2 holdaper sa QC, dedo

16 Views

PATAY ang isang negosyante ng pagbabarilin ng dalawang holdap suspek na tinangka niyang labanan sa kanyang tindahan sa Quezon City noong Lunes.

Dead-on-arrival sa East Avenue Medical Center ang biktimang si Ruel Bañas Macasinag, 47, ng Brgy. Culiat, Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-11:20 ng umaga ng maganap ang insidente sa tindahan ng biktima sa Brgy. Culiat.

Batay sa imbestigasyon ni PSSg Lorenz Mappala, nasa loob ng sari-sari store ang biktima nang dumating ang dalawang armadong suspek na sakay ng itim na Honda click.

Bumaba ang backrider at tinutukan ng baril ang biktima saka nagdeklara ng holdap.

Hindi nasindak ang biktima at nanlaban saka tinangkang agawin ang baril ng suspek ngunit bumagsak sa semento.

Dahil dito, lumapit ang isa pang suspek upang tulungan ang kanyang kasamahan at paulit-ulit na binaril ang negosyante.

Nang makitang duguan ang biktima tumakas ang mga suspek patungo sa hindi malamang destinasyon sakay ng kanilang motor.