Nanay pinatay ng addict na anak sa Cotabato

Zaida Delos Reyes Oct 14, 2024
22 Views

PATAY ang isang konsehala ng barangay matapos na hatawin ng kahoy sa ulo at pagsasaksakin ng sariling anak na umano’y lango sa ipinagbabawal na gamot, nitong Linggo ng hapon sa Kidapawan City, Cotabato.

Nakilala ang biktima na isang 69-anyos na councilor ng Barangay Gayola.

Arestado naman ang suspek sa pagpatay.

Batay sa ulat ng Police Regional Office–12, naganap ang pagpaslang sa bahay ng biktima na matatagpuan sa Purok 2, Barangay Gayola sa nasabing lungsod.

Ayon sa mga kapitbahay ng mag-ina, narinig nilang nagtatalo ang dalawa sa hindi pa malamang dahilan at kasunod nito ay agad na kumuha ng kahoy ang suspek at inihampas sa ulo ng ina.

Nang mabuwal ay agad na inundayan ng sunod-sunod na saksak ng suspek ang ina na naging sanhi ng kamatayan nito.

Matapos ang insidente ay tumakas pa ang suspek subalit nasukol din ng mga rumespondeng alagad ng batas.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.