19-anyos natsugi sa rambol sa QC

50 Views

PATAY sa saksak ang 19-anyos na estudyante at tatlo ang sugatan sa rambulan ng dalawang grupo ng kabataan sa tapat ng resort sa Quezon City noong Sabado.

Idineklarang dead-on-arrival sa Bernardino Hospital ang biktimang si Kurt Brian Zamora Villoria at sugatan naman sina Justine Renan Bormante, 20; Jamil Jocson, 18; at isang 15-anyos na binatilyo.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, nangyari ang insidente dakong alas-3:00 ng madaling araw sa harap ng Aquaboy Resort sa Oriole corner Flamingo St., Zabarte Subdivision, Brgy. Kaligayahan, Quezon City.

Nasa resort ang biktima kasama ang iba pang mga kaibigan nang makasagutan ang mga suspek na umano’y miyembro ng True Brown Style (TBS) na pawang nasa edad 30.

Lumabas ng resort si Zamora kasama ang isang kaibigan upang hintayin ang isang babaeng kaibigan nang komprontahin ng ilan sa mga suspek.

Dito na nagsimula ang rambol hanggang sa bumunot ng patalim si alyas Gelo at pinagsasaksak si Zamora.

Rumesponde ang mga awtoridad pero mabilis na nagpulasan ang mga suspek.

Nasa kustodiya na ng mga pulis sina Luilei Tanghal Arama, 20; Drew Cesar Sikal Labastiga, 30; Allan Leambre Ortido, 38; Bormante Jocson at menor de edad na si Yel.

Pinaghahanap pa si alyas Angelo Aton alyas Gelo, 20.

Inihahanda na ng pulisya ang isasampang kaso sa mga naarestong suspek.