bro marianito

Ang ating pananalig sa Diyos ay hindi lamang ekslusibo para sa atin. Iba’t-iba man ang pananaig pero iisa parin ang diyos na paniniwalaan natin (Marcos 9:38-40)

326 Views

“Sinabi ni Juan kay Hesus. “Guro, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng inyong pangalan. Pinagbawalan namin siya dahil hindi natin siya kasamahan.” (Marcos 9:38)

ANG ating pananampalataya ay kahalintulad sa katawan ng ating Panginoong HesuKristo na sinasabing ito’y maraming bahagi. Bagama’t binubuo ito ng iba’t ibang bahagi, ito ay nananatili parin na iisang katawan.

Kahit ano pa ang ating sinasampalatayanan, iba’t-iba man ang pamamaraan ng ating pananampalataya sa ating nag-iisang Panginoong Diyos, isa lamang ang ating pinaniniwalaan. Ito’y walang iba kundi ang Panginoong HesuKristo.

“Si Cristo tulad ng isang katawan na may maraming bahagi. Kahit na binubuo ng iba’t-ibang bahagi, ito ay nananatiling iisang katawan”. (1 Corinto 12:12)

“Maging Judio man o Hentil, alipin man o Malaya, tayong lahat ay binautismuhan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa iisang Esspiritu”. (1 Corinto 12:13)

Ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at hindi ng iisang bahagi lamang”. (1 Corinto 12:14)

Kung tayo ay binubuo ng iisang katawan at si HesuKristo ang pinaka-ulo ng katawang ito, mayroon bang dahilan upang tayo ay magtalo-talo, mag-away away at magkahati-hati nang dahil lamang sa nag-iisang pananampalataya natin?

Minsan, napakahirap maunawaan kung bakit may ilang relihiyon ang kinakailangan pang magpaligsahan at daanin sa pamamagitan ng pakikipag-debate ang kanilang pananampalataya sa Diyos? Kailangan bang pagdebatihan ang Bibliya?

Hindi ba’t kaya isinulat ang Bibliya o ang Salita ng Diyos alinsunod sa mga pangunahing layunin nito. (1) Maakit ang tao na magbalik loob sa Panginoon, (2) Magsisi ang tao sa kaniyang mga kasalanan at maituwid ang kaniyang mga pagkakamali, (3) Makilala at matagpuan ng tao si HesusKristo.

(4) Maunawaan ng tao ang mensahe ng Bibliya sa pamamagitan ng mga Pagbasa at (5) Mabatid ng sangkatauhan ang labis na pagmamahal sa atin ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng pagkakalikha niya sa ating mundo.

Wala tayong mababasa sa Bibliya na kinakailangang magtalo-talo ang iba’t-ibang relihiyon. Kaya naman ay kailangan magkaroon ng paligsahan para lamang masabi na sila ang tamang relihiyon, samantalang ang katunggali nila ang mali.

Ganito ang ating matutunghayan sa Mabuting Balita (Marcos 9:38-40) nang sabihin ni Pedro kay Hesus na nakita nila ang hindi nila kasama o hindi nila kakampi na nagpapalayas ng mga demonyo sa bisa ng kaniyang pangalan. (Mk. 9:38)

Ngunit winika ni Pedro kay Hesus na ito’y kanilang pinigilan. Mistulang pinagsabihan ni Pedro ang taong ito na “Sino ang nagbigay sa kaniya ng karapatan para gawin ito”. Lalo na at hindi naman nila ito kasama.

Minsan, ang iba sa atin ay hindi naiiwasang nagiging kahalintulad ni Pedro. Inaakala natin na ang ating pananampalataya sa Panginoon ay “ekslusibo” lamang para sa atin. Parang tayo lamang ang may karapatang manalig sa Diyos.

Sa pamamagitan ng pagsasabing ang pananalig ng ating kapatid mula sa ibang relihiyon ang mali. Samantalang ang sa atin naman ang tama, ang iba ay nakikipag-debate o nakikipag-tagisan sa nilalaman ng Bibliya.

Marahil ay hindi natin kailangan magtalo-talo, mag-away away at magpaligsahan sa Bibliya. Sapagkat ang napaka-halaga sa lahat ay ang mensahe ng Panginoon sa mga Pagbasa bilang iisang katawan at si Hesus ang pinaka-sentro.

Tandaan lamang natin ang mensahe at tinuran ng Panginoong HesuKristo kay Pedro sa Ebanghelyo.

Para bang sinabi na rin ni Hesus kay Pedro na hangga’t mabuti ang ginagawa ng ibang tao. Para sa kaligtasan ng kaluluwa ng kaniyang kapuwa ay hindi nito dapar pigilan.

“Huwag ninyo siyang pigilan. Wala ngang gumagawa ng himala sa bisa ng aking pangalanlaban sa akin, kakampi natin ang hindi natin kalaban”. (Mk. 9:39-40)

Ang pagiging alagad ng Diyos ay hindi lamang ekslusibo para sa iisang tao. Maaaring katulad ng maling pagkakaunawa ni Pedro, kundi ito ay para sa lahat ng tao na pinagkatiwalaan ng ating Panginoong Hesus para maglingkod sa kaniya at magsilbing liwanag sa kaniyang kapuwa na nasa kadiliman.

AMEN