Kulong Kulong ang suspek na namalo ng tubo sa isang crew ng convenience store matapos niyang awatin sa pagwawala.

Crew hinampas ng tubo sa ulo, suspek tiklo

Jon-jon Reyes Oct 20, 2024
12 Views

TIKLO ang 35-anyos na lalaki dahil halos matodas ang crew ng convenience store ng paluin niya ng tubo sa Quintin Paredes St., Binondo, Manila noong Linggo.

Natimbog ang suspek na si alyas Marvin sa operasyon ng pulis na nagresponde sa krimeng kanyang ginawa.

Sa report ng Soler police community precinct ng Manila Police District-Meisic Police Station 11, bandang alas-2:20 ng madaling araw ng namataan ang suspek na armado ng tubo na nagsisigaw sa kalye at naghahamon ng away.

Minabuti ng isang empleyado ng convenience store na payapain ang supek subalit bigla umano siyang hinampas sa ulo ng tubo.

Rumesponde ang mga tauhan ng Soler PCP at naaresto ang suspek.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Article 148 (direct assault) at Article 155 (alarm and scandal) ang suspek.